NI: Vanne Elaine P. Terrazola

Kinumpirma ni Senator Richard Gordon kahapon na binawi na ng Senado ang legislative immunity na ipinagkaloob sa whistleblower na si Mark Taguba na nagbunyag sa tinaguriang “tara system” sa Bureau of Customs (BoC), nang matuklasan ang shabu shipment na nagkakahalaga ng P6.4 bilyon.

Sen richard gordon questions mark taguba on the payola list of customs people on the take at resumption of the 6.4 billion shabu shipment hearing which the boc seized.(Photo by ali vicoy)
Sen richard gordon questions mark taguba on the payola list of customs people on the take at resumption of the 6.4 billion shabu shipment hearing which the boc seized.(Photo by ali vicoy)

“Tinanggal na nga… Hindi na niya kailangan proteksiyunan. May kaya sila, kaya nilang ipagtanggol ang sarili niya,” sabi ni Gordon, chairman ng Senate Blue Ribbon panel na nagsasagawa ng imbestigasyon sa kontrobersiya sa BoC, sa interbyu ng DWIZ kahapon.

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

Sinabi rin niya na hindi niya kinonsulta ang 17-member panel dahil may palagay siya na nagsinungaling si Taguba sa mga testimonya nito sa magkakasunod na pagdinig sa Senado.

NAGSISINUNGALING

“Hindi ko na kinonsulta… Apat-apat ‘yung nagbabantay sa kanya, araw-araw nagpapalit, ‘tapos nagsisinungaling pa siya,” paliwanag ni Gordon.

Sa naunang interview, sinabi ni Senator Panfilo Lacson, miyembro ng komite, na tinanggal na ang immunity ni Taguba sa kaso at security protection, na sinasabing maaaring dahilan ng pagbawi nito sa naging pahayag na nag-uugnay kina Davao City Vice Mayor Paolo Duterte at Atty. Manases Carpio sa smuggling sa BoC.

Sinabi naman ni Gordon na “opinyon ni Lacson ‘yun”, at idinagdag na ibabalik lamang niya ang proteksiyon kay Taguba kung may banta sa buhay nito.

‘NAPAKA-COOPERATIVE NIYA’

Gayunman, iginiit naman ni Lacson na walang dudang nakipagtulungan si Taguba sa mga pagdinig at naibigay ang mga kinakailangang impormasyon, partikular sa “tara system” sa BoC.

“Sa lahat ng pagdinig napaka-cooperative niya at sinasabi niya lahat, at ito nakalagay. Kaya ang kanyang mobile phone ay napaka-importante. So, ang ginawa namin, ipina-screenshot ko sa kanya at ipina-authenticate sa kanya para kung ma-snatch man ang cell phone niya, naka-preserve ang mga content ng nilalaman ng text messages,” sabi ni Lacson.

“Napakalinaw ng exchanges. How can you deny or how can you claim na ito gawa-gawa ni Taguba? May petsa at oras, ‘di puwedeng gawa-gawain ‘yan.

“Gusto ko rin malaman ang flow ng communication; kung anong oras, anong araw binawian siya ng dating protective custody, kasi it tells a lot,” dagdag pa ni Lacson.

Ipagpapatuloy bukas ang pagdinig ng Senado sa usapin.