Ni: Bert de Guzman

KUNG si Sen. Antonio Trillanes IV ang paniniwalaan, may bagong komite ngayon ang Senado. Ito ay tinawag niyang Committee de Absuwelto (mas tama ang Comite de Absuwelto), na pinamumunuan ni Sen. Richard “Dick” Gordon. Sa totoo lang, si Gordon ang kasalukuyang chairman ng Senate Blue Ribbon committee na nag-iimbestiga sa umano’y P6.4 bilyong halaga ng shabu (crystal meth) na naipuslit sa Bureau of Customs (BoC) dahil sa “tara” o padulas ng mga smuggler sa mga opisyal at tauhan ng ahensiya.

Sumiklab ang mainit na pagtatalo nina Trillanes at Gordon sa pagdinig ng shabu smuggling sa BoC. Nais ni Trillanes na ipatawag ng Blue Ribbon committee sina Davao City Vice mayor Paolo “Pulong” Duterte at lawyer Manases Carpio, ginoo ni Davao City Mayor Sara Duterte, dahil nababanggit ang kanilang mga pangalan sa puslitan ng mga kargamento sa Customs.

Nag-akusa si Trillanes na parang may pinagtatakpan si Gordon sa ginagawang senate inquiry. Kailangan daw humarap sa pagdinig sina VM pulong at Atty. Carpio upang magpaliwanag sa pagkakadawit ng kanilang pangalan sa anomalya sa BoC smuggling. Sina Pulong at Carpio ay binabanggit ni BoC broker Mark Taguba bilang mga lider ng Davao Group na gumagamit ng impluwensiya upang mapabilis ang pagri-release ng cargo shipments.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Sinabi ni Trillanes na parang “nag-aabugado” (lawyering) sina Gordon at Sen. Tito Sotto para kina VM Duterte at Mans Carpio. Itinanggi ito ni Gordon. Gayunman, maraming Pinoy ang nagtataka kung bakit ayaw ipatawag ang dalawa upang pakinggan ang kanilang panig at malinis ang kanilang pangalan sa shabu smuggling. Ang sabi ng taumbayan, kapag ang isang tao o opisyal ay nabanggit sa ano mang pagdinig sa Kamara at Senado, agad ipinatatawag upang magpaliwanag. Eh, bakit daw ayaw ipatawag ni Gordon sina VM Pulong at Mans.

Sinagot ng may “balls” na si Ombudsman Conchita Carpio-Morales ang pahayag ni Pres. Rodrigo Roa Duterte (PRRD) na ipinaiiral nito ang tinatawag na “selective justice” sa kanyang tanggapan. Sinagot din niya ang pahayag ni Mano Digong... na dapat ay nagsilbi lang si Morales sa “unexpired term” ng nag-resign Ombudsman Merceditas Gutierrez noong 2011 upang makaiwas sa impeachment complaint.

Ayon sa matapang na balae ni Pres. Rody, siya ay entitled sa full term na pitong taon bilang Ombudsman dahil hinirang siya ni Ex-PNoy kaya maglilingkod siya hanggang 2018. Ipinaliwanag ni Morales na sa ilalim ng Ombudsman Act of 1989 “The appointed successor of previous Ombudsman shall serve for a full term.” Tanong: Bakit kaya gusto ni PDU30 na lumayas si Morales sa Office of the Ombudsman? Ang hula ninyo ay katulad din ng aking hula o palagay.

Samantala, mahigpit na pinabulaanan ni Ilocos Norte Gov. Imee Marcos na may usapan o negosasyon tungkol sa pagsasauli ng bahagi o ng buong halaga ng ill-gotten wealth ng Marcos Family. “Wala pa, pero naniniwala kami na maaaring si Pres. Duterte ay makatulong sa paglutas sa isyu na matagal ng nakabimbin sa mga korte, ayon kay Imee.” Para sa mga Pilipino, nais nilang isauli ng mga Marcos ang nakaw na yaman na kanilang natamo sa maraming taon sa Malacañang.