Ni: Light A. Nolasco

SAN LUIS, Aurora – Nakorner ng pulisya sa terminal ng Baler-Aurora ang isang turista na umano’y nagpanggap na media at nangotong sa tatlong tindahan sa San Luis, Aurora, nitong Martes ng umaga.

Kinilala ni Senior Insp. Ysrael Namoro ang suspek na si Ricardo Batuigas, 46, residente ng Barangay Panampunan, Tarlac City na umano’y nagpakilalang empleyado ng News 5/TV5, suot ang pekeng ID, at isang turista sa Aurora.

Dakong 10:00 ng umaga nang manita ang suspek ng tatlong tindahan sa Bgy. Ditumabo sa San Luis, at hinahanapan ang mga ito ng business permit, ngunit nang walang maipakitang permit ay hiningan ng tig-P2,000.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Ayon kay PO3 Palermo Macatlag, agad niyang ipinaalam kay Chief Namoro ang umano’y extortion activities ni Batuigas hanggang sa ikinasa ang follow-up operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek na saktong papasakay na sa Genesis Bus.

Tinangka pang suhulan ng suspek ang pulisya sa halagang P15,000, kaya sinampahan siya ng robbery-extortion at usurpation.

Itinanggi ng News 5/TV5 editorial desk na konektado sa kumpanya si Batuigas.