Ni: Liezle Basa Iñigo
MANGALDAN, Pangasinan – Hustisya ang mariing hinihiling ng pamilya ng retiradong sundalo ng Philippine Army na dinukot at pinugutan ng ulo ng Abu Sayyaf Group (ASG) sa Basilan kamakailan.
Sa kanyang bayan sa Mangaldan, Pangasinan nakaburol ngayon si retired Master Sgt. Julio Pasaoa.
Mismong asawa ni Pasaoa na si Salome Pasaoa, 58, ang nagsusumamo ng tulong mula kay Pangulong Duterte para mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng dating sundalo.
“Nanawagan po kami sa Pangulong Duterte na matulungan kami [sa] pinansiyal at makamit ang hustisya sa brutal na pagkakapatay sa aking asawa,” sabi ni Salome sa panayam ng Balita. “Nagsilbi po ang aking asawa bilang sundalo para ipagtanggol ang bayan, kaya napakasakit na mauwi lang sa pagpugot sa kanyang ulo [ang pagtatapos ng kanyang buhay].”
Kuwento ni Salome, nakausap pa niya kamakailan sa telepono ang asawa at sinabihan itong umuwi na sa Pangasinan, subalit tumanggi si Julio.
“Ayaw niya umuwi. At ito nga umuwi, bangkay na,” ani Salome.
Matatandaang dinukot ng Abu Sayyaf si Julio nang sumalakay ang mga bandido sa Barangay Upper Mahayahay sa Maluso, Basilan nitong Agosto 21, makaraang sunugin ang bahay ng dating sundalo.
Martes ng madaling araw naman nang matagpuan ang pinugutang katawan at ang ulo ni Julio sa Maluso.
Nagpa-convert sa Islam si Pasaoa at piniling manatili sa Basilan kasama ng ikalawa niyang asawa na si Aya, 42, tubong Basilan.
Nang Lunes na sumalakay ang Abu Sayyaf, umalis ng bahay si Aya para mamili kasama ang maliliit pa nilang mga anak.
Kuwento ni Aya, nasa mahigit 100 pamilya sa kanilang lugar ang nagsilikas sa matinding takot.