Ni: Bella Gamotea

Magkasunod na pagsubok ang kinaharap ng isang lalaki makaraang masiraan ng sasakyan at holdapin ng dalawang hindi pa nakikilalang armado sa Makati City, kamakalawa ng hapon.

Nanlulumong dumulog sa tanggapan ng Makati City Police si Marlon Laxaman y Sy, alyas Lon, 50, ng No. 2522 Del Pilar Street, Malate, Maynila upang i-report ang insidente.

Pinaghahanap na ng awtoridad ang dalawang hindi pa nakikilalang lalaki na sakay sa berde at itim na Mitsubishi Lancer.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Sa ulat ng Southern Police District (SPD), naganap ang insidente sa panulukan ng Dallas at Evangelista St., Barangay Pio Del Pilar, Makati City, bandang 2:20 ng hapon.

Ayon kay Laxaman, nagpunta siya sa lugar upang ipagawa ang kanyang sasakyan at pagbaba niya mula rito ay biglang lumapit ang mga suspek at bumunot ng baril.

Sinabihan umano ang biktima na huwag itong papalag at sapilitang kinuha ang kanyang gintong kuwintas, na nagkakahalaga ng P60,000; bracelet, na nagkakahalaga ng P108,000; at wallet na naglalaman ng P19,000 cash.

Agad sumakay sa kotse ang mga suspek at tumakas patungong Apolinario St., Bgy. Bangkal.

Nagsasagawa na ng follow-up operation ang awtoridad.