ni Rey Bancod

KUALA LUMPUR – Mahabang panahon ang kailangang gugulin para marating ang competitive high level sa wushu, dahilan kung bakit bibihira ang nakapagtitiyaga para magsanay, ayon kay national coach Samson Co.

“Kaya mahirap mag-recruit,” sambit ni Co, nagwagi ng limang gintong medalya sa kanyang career sa SEA Games.

Sa kabila ng pagkakasama ng wushu sa sports calendar ng Palarong Pambansa, mababa ang kalidad ng kompetisyon para sa mga kalahok.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Madali lamang ang sports kung papanoorin, ngunit labis ang hirap sa atleta para matutunan ang lahat at maperpekto ang galaw at routine.

Sa kompetisyon, naiiskuran ang atleta batay sa antas ng hirap na gagawing routine, kilos at kalidad ng porma.

Isa si Kimberly Macuha, sasabak sa unang pagkakataon sa SEAG, sa mga batang pumasok sa sports sa batang edad na 10. Anim na taon ang kanyang ginugol para mapabilang sa koponan.

“Sumama lang po ako sa ate ko, dahil mahilig po ako sa mga kung fu movies,” sambit ni Macuha. “Nagsimula po kami 40, pero ako na lang po ang natira.”

Sa kabila nang pagsali sa international events, hindi kaagad nakasama sa RP team si Macuha .

Lumaki si Macuha sa Bahay Toro, Quezon City, ngunit ngayon ay nanunuluyan sa dormitory ng Rizal Memorial Center kung saan malapit ang eskwelahan na pinapasukan.