Ni: Beth Camia at Argyll Cyrus Geducos

Mistulang binalewala kahapon ng Malacañang ang naging resulta ng online survey na ginawa ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Assistant Secretary for Social Media Mocha Uson hinggil sa posibleng ipalit kay dating Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Judy Taguiwalo nang sabihing “difficult choice” na italaga sa nabakanteng puwesto ang nanguna sa survey na si Vice President Leni Robredo.

Nagsagawa ng survey si Uson sa Twitter at tinanong ang publiko kung sino ang maaaring humalili kay Taguiwalo, makaraang tuluyang ibasura ng Commission on Appointments (CA) nitong Miyerkules ang pagkakatalaga sa huli bilang kalihim ng DSWD.

Isinama ni Uson sa mga pagpipilian sina Robredo, DSWD Assistant Secretary Loraine Badoy, dating kongresista at maybahay ni dating Defense Secretary Gilberto Teodoro na si Monica Prieto-Teodoro, at “others (name please)”.

57 kilos ng shabu na isinilid sa Chinese tea bag, nakumpiska sa pantalan sa Southern Leyte

Nanguna si Robredo sa 24-oras na survey ni Uson makaraang makakuha ng 82 porsiyento ng kabuuang 12,166 na boto bandang 2:25 ng hapon kahapon. Inilunsad ni Muson ang Twitter survey ng Huwebes ng gabi.

Kasunod ni Robredo ang “others” na may 10%; si Badoy na may anim na porsiyento; at si Prieto-Teodoro, na may dalawang porsiyento.

Sa “Mindanao Hour” kahapon ng umaga, sinabi ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella na sa kabila ng nakalululang porsiyentong nakuha ng Bise Presidente sa nasabing survey, nakasalalay pa rin kay Pangulong Duterte ang desisyon sa itatalagang bagong DSWD secretary.

“I’m sure the President has other ways of measuring a candidate’s capability aside from surveys. The President has a different set of categories,” sabi ni Abella.

Dagdag niya, mistulang magiging pahirapan ang pagtatalaga kay Robredo sa nabakanteng puwesto sa DSWD matapos na magbitiw ang Bise Presidente bilang hepe ng Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC) noong Disyembre.

“Perhaps, there might be conditionalities that may not be too favorable regarding that. I don’t know. It all depends on the President,” ani Abella. “For the plain and simple reason that for example, she has already resigned from the—you know, she’s—that particular job is a Cabinet level job.

“I mean, I’m not saying no for [VP] Leni. I’m just saying that it seems to be a difficult choice,” paliwanag pa ni Abella.

Nilinaw din ni Abella na hanggang kahapon ay wala pang napipili si Pangulong Duterte na papalit kay Taguiwalo bilang kalihim ng DSWD.