KINUMPLETO ng Centro Escolar University ang dominasyon sa liyamadong Flying V sa makapigil-hiningang 72-67 panalo sa ‘sudden death’ Game 3 ng kanilang semifinal duel nitong Huwebes sa 2017 PBA D-League Foundation Cup sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Nanguna si Rod Ebondo sa katatagan ng Scorpions sa naiskor na 11 puntos at 18 rebounds para madiskaril ang Flying V na sumabak sa Final Four na walang talo.
Kumubra naman sina Orlan Wamar ng game-high 17 marker, habang tumipa si Art Aquino ng 13 puntos at 10 rebounds.
“I’m so proud sa mga players ko. Binigay nila yung best kaya umabot kami sa ganito,” sambit ni CEU coach Yong Garcia, nakausad sa Finals sa kanyang unang taon sa koponan matapos manahin ang posisyon kay coach Egay Macaraya.
Bunsod ng panalo, tinanghal ang CEU na ikaapat na No.4 seed na nakausad sa Finals sa kasaysayan ng liga. Huling koponan na nakagawa nito ang Tanduay sa 2016 Foundation Cup.
Makakaharap ng Scorpions ang Cignal HD sa best-of-three Finals na magsisimula sa Martes.
“I just told my players to stay focused and stick to our gameplan,” sambit ni Garcia.
Pinangunahan ni Jeron Teng ang Flying V sa naisalansan na 19 puntos, anim na assist at limang rebounds.
Iskor:
CEU (72) - Wamar 19, Aquino 13, Casiño 12, Ebondo 11, Manlangit 11, Jeruta 4, Arim 2, Uri 2, Cruz 2, Fuentes 0.
Flying V (67) - Teng 19, Thiele 13, Torres 8, Banal 7, Paredes 6, Salamat 6, Austria 3, Tampus 3, Cañada 2, Dionisio 0.
Quarters: 12-18, 32-39, 51-54, 72-67.