Ni: Franco G. Regala at Ellalyn De Vera-Ruiz

CITY OF SAN FERNANDO, Pampanga – Nakiusap kahapon si Department of Agriculture Secretary Emmanuel Piñol sa mga may-ari ng sabungan at mga sabungero sa Pampanga na pansamantala munang itigil ang sabong upang maiwasan ang pagkalat ng bird flu virus sa mga sasabungin.

Binisita ng DA secretary ang isa sa pinakamalalaking poultry farm at fowl game farm sa siyudad upang i-monitor at matiyak na hindi apektado ang mga ito ng anumang sintomas ng flu o anumang sakit na may kaugnayan sa bird flu virus.

“Hindi natin alam ‘yung mga panabong na ilalaban natin ay positibo ng Avian influenza A (H5N1) virus,”’ sabi ni Piñol sa isang press conference.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

Sinabi niya na posibleng kumalat ang virus sa pamamagitan ng pagbiyahe sa mga sasabungin patungo sa iba’t ibang lugar o sa mga sabungan.

Samantala, ipinag-utos din kahapon ni Piñol ang pagbuo ng biosecurity teams na titingin sa poultry, duck at livestock farms sa buong bansa upang mapigilan ang panibagong avian influenza outbreak.

Sinabi ni Piñol na ang naturang mga grupo ay magsisimulang mag-inspeksiyon sa iba’t ibang farms sa Pampanga.

“They will inspect the biosecurity measures and protocols being implemented in the farms in Pampanga to prevent another outbreak like this,” paliwanag niya.

Sa ngayon, umabot na sa 92,000 manok ang ibinukod at ibinaon. Umaasa ang DA chief na matatapos ang culling process sa loob ng tatlong araw pa.

“Starting next week we will pay the farmers. We will be paying initial P31 million to the depopulated farms,” wika ni Piñol at idinagdag na ang pondo ay manggagaling sa calamity fund ng DA.