NI: Mary Ann Santiago
Patay ang isang tricycle driver makaraang pagbabarilin ng tatlong hindi pa nakikilalang suspek sa Sampaloc, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Ilang bala sa ulo at katawan ang ikinamatay ni Mark Alquero, 28, ng 514 Calabash Street sa Sampaloc.
Sa ulat ni PO3 Roderick Magpale, imbestigador ng Manila Police District (MPD)-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), nag-aabang ng pasahero ang biktima sa Calabash St. nang lapitan ng mga suspek at pinagbabaril, dakong 7:15 ng gabi.
Sa pagbulagta ni Alquero, kumaripas ang mga suspek patungo sa direksiyon ng G. Tuazon St.
Patuloy na gumugulong ang imbestigasyon.