Ni: Rommel P. Tabbad at Leonel M. Abasola

Pinawalang-sala kahapon ng Sandiganbayan si Senator Joseph Victor “JV” Ejercito at 14 na iba pa sa kasong technical malversation kaugnay ng umano’y maanomalyang pagbili ng P2.1 milyong matataas na kalibre ng baril noong 2008 habang alkalde pa siya ng San Juan City.

Ayon sa 6th Division ng anti-graft court, nabigo ang prosecution panel na mapatunayang may kinalaman si Ejercito sa usapin.

“Let it be stressed that this verdict of acquittal is based on the failure of the prosecution to present proof beyond reasonable doubt that the accused indeed used the 2008 Calamity Fund of San Juan City in the procurement and payment of the subject firearms,” saad sa ruling ng korte.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

Ayon sa record ng kasong inihain ng Ombudsman, inakusahan na nakipagsabwatan ang dating mayor sa mga opisyal ng siyudad upang bumili ng mga baril noong Pebrero 2008.

Minadali rin umano ng mga ito ang pagbili ng mga baril sa kabila ng kawalan ng public bidding at hindi pagsilip sa kuwalipikasyon ng supplier.

“All throughout this two-year process, I have been firm on two things: one, that I am innocent of the charges filed against me, and, two, that I have faith in the fairness of our judicial system,” sinabi naman kahapon ni Ejercito.

Pinawalang-sala rin sina Leonardo Celles, Andoni Miguel Carballo, Vincent Rainer Pacheco, Angelino Mendoza, Dante Santiago, Rolando Bernardo, Grace Perdines, Domingo Sese, Francis Keith Peralta, Edgardo Soriano, Jannah Ejercito-Surla, Francisco Javier Zamora, Ramon Nakpil, at Joseph Christopher Torralba.