NAGMINTIS si Janelle Mae Frayna sa posible sanang winning move laban kay Hungarian Grandmaster Attila Czebe sa ika-40 sulong ng Modern Defense nitong Huwebes (Biyernes sa Manila) para mapatalsik sa top 20 matapos ang ikapitong round ng 21st Hogeschool Zeeland Open 2017 sa Vlissigen, The Netherlands.

Nagawang makalamang ni Frayna kay Czebe sa middlegame at nakaumang na ang panalo, ngunit nabigo siyang masundan ang matikas na sulong, sapat para maagaw ng karibal ang panalo.

May tsansa pa sanang maitabla ni Frayna ang laban, ngunit nagkamali siyang muli sa ika-37 at ika-39 sulong. Ito ang ikalawang sunod na kabiguan ng kauna-unahang Pinay Grandmaster matapos mabigo kay Russian GM Konstantin Landa sa ikaanim na round.

Bunsod nito, bumaba sa standings si Frayna at tuluyang nawala ang tsansa sa kampeonato tangan ang 4.5 puntos.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Sunod na makakaharap ni Frayna, suportado ng Philippine Sports Commission, National Chess Federation of the Phl, FEU’s Aurelio Montinola, Philippine STAR’s Miguel Belmonte, Edward Go, Senate President Koko Pimentel at Bobby Ang, si Dutch Erik Sparenberg sa ikawalong round.

Nabigo rin si GM Jayson Gonzales, coach ni Frayna, kontra Indian International Master R Praggnanandhaa sa ika-50 sulong ng Caro-Kann Defense. Sunod niyang makakasagupa si Dutch Andries Mellema.