Nina ARGYLL CYRUS B. GEDUCOS, LEONEL M. ABASOLA at BETH CAMIA

Ngayong araw nakatakdang malaman kung malilibre na sa matrikula ang mga estudyante sa state universities and colleges (SUCs) sa buong bansa.

Sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na magpapasya siya sa panukala ng Kongreso na ilibre ang matrikula sa lahat ng SUCs bago ang deadline.

Ito ay matapos magsuhestyon si Budget Secretary Ben Diokno sa Pangulo na ibasura ang panukalang batas, dahil hindi kayang tustusan ng gobyerno ang tinatayang halaga nito na nasa P100 bilyon.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Kinumpirma ni Duterte na nasa kanyang mesa na ang panukala at magpapasya siya bago pumaso ang panukala ngayong araw, Agosto 4.

Isinumite sa Pangulo ang panukalang Universal Access to Quality Tertiary Education Act noong Hulyo 5, 2017.

Awtomatiko itong magiging batas kapag nabigo si Duterte na aksiyunan ito hanggang ngayon, ang ika-30 araw simula nang isumite ito sa kanyang opisina.

“It’s in my table. I will decide before the deadline,” wika ni Duterte.

Sinabi ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Assistant Secretary Ana Marie Banaag kahapon na kokonsultahin muna ni Duterte ang economic managers nito tungkol sa panukalang batas.

“Of course, sino ba’ng may ayaw sana [na maipasa]? But if and when may mga advise na mahihirapan ang ating pamahalaan to cope up with it then he would consider that,” anang Banaag.

Nagpulong na kahapon ang economic team ni Pangulo kasama sina Senate President Koko Pimentel, Sens. Cynthia Villar, Loren Legarda, at Sonny Angara kaugnay sa nasabing panukala.

Samantala, tiniyak ni Senador Bam Aquino na gagawan ng paraan ng Senado para mapondohan ang libreng matrikula sa SUCs. Nilinaw din niya na P25 bilyon lamang ang kailangang pondo para sa libreng edukasyon sa kolehiyo at hindi P100 bilyon gaya ng sinabi ng isang opisyal ng Malacañang.

“Iyong numero na binibigay ng Department of Budget and Management (DBM), masyado pong malaki iyon. Sa amin sa Senado, ang computation namin na kailangan sa batas na ito ay P25 bilyon,” anang Aquino.