Ni MARY ANN SANTIAGO

Sinibak ni Manila Police District (MPD) Director Chief Supt. Joel Napoleon Coronel ang hepe ng Traffic Enforcement Unit (TEU) nang mabuking sa pangongotong ang tauhan nito.

Ayon kay Coronel, sinibak niya sa puwesto si Police Supt. Lucile Faycho bilang “administrative remedy”, habang iniimbestigahan ang kaso ng kanyang tauhan na si PO2 Joseph Buan, na hinuli sa umano’y pangongotong at sinibak na rin sa tungkulin.

Si Police Chief Insp. Alejandro Pelias ang pansamantalang hahalili kay Faycho.

Eleksyon

Comelec, dismayado sa mga politikong maagang nangangampanya

Nilinaw ni Coronel na sa oras na mapatunayang walang kinalaman si Faycho sa pangongotong ng kanyang tauhan ay agad itong ibabalik sa puwesto.

“So it’s not a penalty. Depending on the results of our investigation, if we find probable cause to charge them, then that’s the time they will have to be transferred or reassigned permanently,” ani Coronel.

Kaugnay nito, pinaiimbestigahan na rin ni Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada ang naturang extortion racket sa Lawton na sinasabing pinatatakbo ng mga tauhan ng MPD-TEU.

Dismayado si Estrada sa pagkakaaresto ni Buan na ikatlong, aniya, pulis-Maynila na inaresto ng Philippine National Police-Counter-Intelligence Task Force (CITF) dahil sa pangongotong.

“This unfortunate incident undermines our efforts to professionalize our city police force,” pahayag ni Estrada, “so I want to know how and why this criminal activity had been tolerated, and who are the people protecting it.”

Matatandaang inaresto si Buan sa entrapment operation habang nangongolekta umano ng P500 hanggang P2,000 sa mga driver ng mga pampasaherong bus na nagte-terminal sa Lawton, noong Hulyo 28.