Ni RIZALDY COMANDA
KILALA ang lalawigan ng Benguet bilang pangunahing pinagkukunan ng highland vegetables na isinusuplay sa mga karatig-lalawigan hanggang sa Metro Manila.
Siyamnapung porsiyento ng mga mamamayan at lupain sa sampung bayan ng Benguet ay agrikultura ang pangunahing kabuhayan, pangalawa naman ang pagmimina. Makikita ang lahat ng klase ng gulay rito, kaya binansagan ang probinsiya bilang “Salad Bowl of the Philippines”.
Sa La Trinidad, na siyang capital ng lalawigan matatagpuan ang trading post na bagsakan ng mga gulay at mula rito ay makikitang nagdaratingan at tumutulak ang mga truck at jeep ng vegetable traders para mamili at ibiyahe ang mga produktong agrikultural ng Benguet sa lowland areas.
Sa unang pagdiriwang ng foundation day ng trading post na itinatag noong Hulyo 13, 1984, nagpakitang-gilas ang 14 na organisasyon ng League of Association of La Trinidad Trading Post, sa pamamagitan ng paggawa ng giant vegetables salad, hindi lamang upang paunlarin ang suplay ng gulay kundi gawing tourist destination ang trading post para sa pamimili ng pasalubong ng mga turista.
Ang giant veggie salad ay may structure measure na 20X32 feet with a depth of 45 inches. Ang salad ay binubuo ng ng 1.2 toneladang sariwang mga gulay at ang mga ito ay 160 kilograms ng romaine lettuce, 160 kilos ng carrots, 160 kilos ng cucumber, 150 kilos ng sugar bits, 180 kilos ng kamatis, 150 kilos ng marble potato, 30 kilos ng alfalfa, lime, broccoli at cauliflower.
Tatlong uri ng dressing ang inihanda para sa salad para may mapagpipilian ang mga kakain, ang mango salad dressing, strawberry salad dressing at honey balsamic vinaigrette. Pinagtulung-tulungan itong gawin ng 60 estudyante ng SKD Culinary School at libreng ipinakain sa umaabot sa 3,000 katao na dumalo sa pagdiriwang.
Bukod sa giant veggie salad, nagkaroon ng heaviest vegetables contest mula sa ani ng mga magsasaka. Isinagawa ang okasyon sa mismong trading post.
Ayon kay Agot Balanoy, presidente ng Benguet Farmers’ Marketing Cooperative, ang konsepto ng giant veggie salad ay kanilang isinagawa para sa promosyon ng trading post at mga ani ng mga magsasaka sa layuning mas mapalago pa ang suplay ng gulay. Aniya, mas mainam na tangkilikin ang sariling produkto na nasisigurong sariwa at mataas ang kalidad, kumpara sa mga import na gulay mula sa ibang bansa.
Ipinagmalaki ni Mayor Romeo Salda ang matagumpay na selebrasyon ng unang Giant Veggie Salad, na siyang magiging pangalawang malaking okasyon sa bayan ng La Trinidad, na ang una ay ang Strawberry Festival.
[gallery ids="257586,257587,257589,257590,257591,257592,257597,257596,257595,257594,257593"]