Nina ARGYLL CYRUS GEDUCOS at BETH CAMIA

Nilinaw ni Pangulong Duterte na ang alitan ng gobyerno sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) ay hindi personalan, sinabing ginagawa lamang niya ang kanyang trabaho bilang presidente ng bansa.

Ito ay sa gitna ng tuluy-tuloy na sagutan ni Duterte at ni CPP founder Joma Sison kasunod ng desisyon ng Pangulo na kanselahin ang peace talks sa mga rebeldeng komunista.

Sa kabila nito, umaasa pa rin si Duterte na payapa pang mareresolba ang hindi pagkakasundo sa pagitan ng pamahalaan at ng CPP-NPA-NDF, sinabing ayaw niyang makitang may Pilipino na namamatay.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

“I take it as one of the heartaches. Pero ‘yung galit, wala akong galit. Kung maaari lang ayokong makipag-away sa kanila,” sinabi ni Duterte sa mga mamamahayag sa Negros Oriental nitong Huwebes ng gabi.

“If there is really just a way out that I don’t have to kill my fellow Filipinos [I would do it]. ‘Yun ang masakit diyan. For me it’s a crazy war. We do not have to die every time,” dagdag pa ng Pangulo.

Ibinunyag din niya ang bilin niya sa mga sundalo: huwag makikipagbakbakan kung emosyonal.

“I’m telling the soldiers and everybody: Do not go to war with hatred because you tend to be reckless. Kasi gusto mo lang pumatay, makaganti. Abante nang abante ‘yan,” ani Duterte.

“When you do it with emotions, hindi mo nagagamit ‘yung utak mo. You do not use your head, the gray matter between your ears. Do not do that. Patay ka talaga.”

Sinabi rin niyang ayaw na niyang makipagsagutan pa kay Sison.

“Kaya, hindi na ako magsagot after this. Wala ka rin makuha, magsagot-sagot ka sa kanila, eh. Ayaw ko nang sumagot diyan sa matandang ‘yun. Dito ka, earn my respect kasi sumibat ka.”

Kaugnay nito, hinamon niya ang dati niyang propesor, na ilang taon nang naka-exile sa Netherlands.

“If you are truly a revolutionary leader, my God, come home and fight here,” sabi ni Duterte. “All these years, nandoon ka sa ibang lugar, napapagastos ka ng ibang gobyerno, tapos‘yung mga tao mo rito, kawawang mga NPA, nangamatay na lang.

“Umuwi ka, ako ang magsalubong sa ‘yo. Mayabang… If you are really brave, if you are really sincere. Come home and fight,” aniya. “I dare you, as a leader of the Communist Party, I dare you: come home and fight your war here.”