NI: Bella Gamotea

Sa selda ang bagsak ng isang mister makaraang maaktuhang sinasaktan ang kanyang live-in partner at makumpiskahan ng hinihinalang ilegal na droga sa Makati City, kamakalawa ng hapon.

Kasalukuyang naghihimas ng rehas sa Makati City Police at nahaharap sa patung-patong na kaso si Kevin Pastor Olaes, 26, ng No. 3201 Mabini Street, Barangay Poblacion, Makati.

Sa ulat na ipinarating kay Supt. Jenny Tecson, hepe ng Public Information Office ng Southern Police District, inaresto ang suspek sa Mabini St., Bgy. Poblacion, bandang 5:00 ng hapon.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Nagpapatrulya sina Sr. Insp. Bagsik, SPO2 Mones at PO2 Coralde sa lugar nang maaktuhang sinasaktan, sinisigawan, pinagmumura at pinagbabantaan ng suspek ang kanyang kinakasama.

Hindi nag-aksaya ng oras ang mga pulis at agad inaresto si Olaes na nagtangka pa umanong pumiglas.

Nang kapkapan, nakuha kay Olaes ang isang pakete ng hinihinalang shabu.

Nahaharap ang suspek sa mga kasong alarm and scandal, paglabag sa anti-women and children’s act, disobedience upon agent of authority, resisting arrest at Section 11 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.