Nina Genalyn D. Kabiling at Aaron B. Recuenco

Bayani. Ito ang turing sa Islamic State-linked militants ng ilang batang nagsilikas dahil sa nagaganap na bakbakan sa Marawi City, ayon sa isang local sports official.

Isiniwalat ni Philippine Sports Commission (PSC) Chairman William Ramirez na ito ang naging pahayag ng mga batang bakwit sa isinagawang “children’s games for peace” sa Iligan City noong nakaraang linggo.

“We don’t have research. This is not scientific but it was written by our coaches when we had our children’s games for peace that some, if not many of these Marawi bakwit children, they considered ISIS as their heroes. Wow,” aniya sa Palace news conference.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

“I think the government must be alarmed on this,” sambit niya kaugnay ng naging sentimiyento ng mga bata, na sinabi niyang “not an ordinary feedback.”

Sinabi ni Ramirez na sa pakikipaglaro ng mga coach, tinanong ang mga bata tungkol sa kanilang ambisyon. Sumagot ang mga ito ng, “Pangarap po namin maging ISIS.”

Nang tanungin kung bakit nila iniidolo ang mga IS, kuwento ni Ramirez, “Sabi niya (batang bakwit), ‘Nagbibigay sila ng pagkain eh, at tsaka ‘yung aming mga tatay, binibigyan ng suweldo. Eh, wala man ang gobyerno’,” aniya.

Hanggang kahapon, aabot na sa 45 sibilyan, 111 militar, at 469 na terorista ang namatay sa bakbakan.

Samantala, inaresto ng mga pulis at sundalo ang pitong katao habang patungo, sakay sa SUV, sa Marawi City.

Inaresto ang pito sa pagsusuot ng uniporme ng pulis at militar, ayon kay Chief Supt. Reuben Theodore Sindac, director ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) regional police.

“They were wearing police and military uniforms when they were intercepted in a checkpoint in Barangay Emie Punud in Marawi City,” ayon kay Sindac.

Kinilala nila ang mga ito na sina Ariel Bejaan, 45; Pacito Sabuclalao, 45; Juniper Alestre, 52; Bienvenido Sepe, 68; Florante Alejandrino, 38; Rufina Guyatao, 53; at Elsie Lantong, 48. Pawang mula sa Iligan City.

Nang suriin, ilan sa mga suspek ay nagpakita umano ng ID mula sa Bangsamoro Republic sa Moro National Liberation Front.