Ni: Ali G. Macabalang

COTABATO CITY – Inaresto ng pulisya ang apat na hinihinalang miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) na sangkot sa pagdukot sa anim na tripulanteng Vietnamese ng M/V Royal 16 na hinarang malapit sa Sibagu Island sa Basilan, noong nakaraang taon.

Sinabi ni Chief Supt. Reuben Theodoro Sindac, police director ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM), na inaresto nitong Lunes ang apat na suspek—kinilalang sina Taha Upao, Bryan Upao, Ibrahim Akhmad, at Ibno Akhmad—at nakapiit na ngayon sa Basilan Police Provincial Office sa Isabela City.

Nakorner ng pinagsanib na puwersa ng militar at pulisya ang apat na suspek sa Sitio Suba sa Barangay Ulame, Lamitan City.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Ayon kay Sindac, nagbigay ng mahahalagang impormasyon ang mga lokal na opisyal upang maaresto ang mga suspek.

Sinasabing kabilang ang apat na naaresto sa 30 bandido na humarang sa M/V Royal 16 malapit sa Sibagu Island noong Nobyembre 11, 2016.

Dalawa sa mga dinukot na Vietnamese, sina Hoang Trung Thong at Hoang Van Hai, ang pinugutan noong nakaraang buwan at itinapon ang kanilang mga bangkay sa Limbo Tulan sa Bgy. Tumahubong sa Sumisip, Basilan.

Pinugutan din noong nakaraang linggo ang isa pang bihag na Vietnamese na si Tran Khac Dung, sa Buhanginan Area sa Patikul, Sulu.

Pinugutan ang tatlo kasunod ng pagtakas ni Hoang Voh mula sa kabundukang Limbo Tulan sa Sumisip, kung saan binihag ng Abu Sayyaf ang mga Vietnamese.

Sinabi ni Sindac na hinahanap pa ng mga awtoridad ang dalawa pang bihag na Vietnamese—sina Pham Tuan at Du Trung Hien—sa tulong ng mga pamahalaang panlalawigan ng Basilan at Sulu.