Ni JUN FABON

Bumulagta ang tatlo umanong kilabot na tulak ng shabu, na pawang high value target sa Isabela, nang makipagbarilan sa mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) at Regional Intelligence Division ng Police Regional Office (PRO 2) sa Quezon City, kahapon ng madaling araw.

Sa report ni QCPD Director Police Chief Supt. Lorenzo T. Eleazar, kinilala ang dalawa sa mga nasawi na sina Johnny De Leon y Vispo, 50, at Arnold Manipon, 61, kapwa ng No. 15 Unit H, Road 1, Barangay Pag-asa, Quezon City.

Kinikilala naman ang isa pang suspek.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Ayon kay Supt. Eleazar, naganap ang engkwentro nang pumalag si De Leon at nanlaban sa mga tauhan ng District Special Operation Unit (DSOU), dakong 5:18 ng madaling araw.

Isisilbi sana ng mga tauhan ng DSOU, sa pamumuno ni Police Supt. Rogarth Campo, ang warrant laban kay De Leon at sa iba pang nakatira sa bahay ng una.

Ngunit, mga putok ng baril ang sumalubong sa awtoridad kaya hindi na nag-aksaya ng oras ang mga operatiba at nakipagpalitan ng bala sa mga suspek hanggang sa bumulagta ang mga ito.

Sa nakalap na impormasyon ng awtoridad, si De Leon at mga kasama ay pawang supplier ng shabu sa Isabela, Quirino Province, Cagayan, at Nueva Viscaya.