Ni: Celo Lagmay

NATITIYAK kong ikinatutuwa ng sambayanan ang walang patumanggang pagsibak ni Director General Ronald Dela Rosa, ng Philippine National Police (PNP), sa mga tiwaling pulis na nahaharap sa iba’t ibang asunto. Matapos ang masusing imbestigasyon ng PNP Internal Affairs Service (IAS) sa naturang mga police scalawag, itinitiwalag agad ang mga ito sa serbisyo.

Totoong walang dapat santuhin sa paglilinis sa hanay ng PNP. May mga haka-haka na daan-daang pulis – sa 140,000 police force – ang hindi karapat-dapat sa taguring ‘tagapagtanggol ng sambayanan laban sa kriminalidad at iba pang salot ng komunidad’. Sila ang sumisira sa marangal na imahe ng PNP; may mga alagad ng batas na kinatatakutan ngayon, sa halip na kagiliwan.

Kamakailan lamang, tuluyan nang itiniwalag sa PNP ang isang opisyal ng pulisya na nahuling gumagamit ng illegal drugs. Sinasabing siya rin ang pasimuno sa pagbebenta ng shabu sa mga user at pusher. Kasabay niyang sinibak ang isa pang opisyal na napatunayan namang tumutulong sa mga bandidong Abu Sayyaf Group (ASG) sa pamamagitan ng umano’y paghahatid ng mga medisina at iba pang tulong sa mga sugatang bandido; ang naturang opisyal ay sinasabing live-in partner ng ASG rebel na naghahasik ng karahasan sa kasagsagan ng Asia Pacific Economic Conference (APEC) sa Bohol.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Walang humpay na PNP cleansing process ang dapat isagawa ni Dela Rosa sa lahat ng sangay ng pulisya, lalo na sa mga lugar na pinamumugaran ng mga kriminal at mga sugapa sa ipinagbabawal na droga. Lalo niyang paigtingin ang

imbestigasyon sa sinasabing pagkakasangkot ng ilang miyembro ng Special Action Force (SAF) ng PNP na nakatalaga sa New Bilibid Prison (NBP) sa pagdagsa ng shabu sa naturang piitan.

Hindi ako makapaniwala na isang SAF member – si Sgt. Roger Opong – ang inihabla kaugnay ng sinasabing pagtangay sa mahigit P200,000 pondo ng simbahan mula sa NBP Chaplaincy Office. Bukod pa rito ang pagnanakaw ng isang TV set. Hindi ba ang PNP-SAF ay bantog sa katapangan, katapatan at marangal na paglilingkod?

Hindi ko matiyak kung hanggang saan na nakarating ang plano ni Dela Rosa hinggil sa pag-aalis ng PNP-SAF sa NBP.

Nahigingan ko kamakailan na hihilingin niya kay Pangulong Duterte na palitan ng Marines ang SAF. Hindi ako naniniwala na may lohika ang nasabing panukala.

Ang pag-aalis sa SAF sa NBP ay isang insulto sa ibang miyembro nito na buong katapangang tumutupad ng kanilang makabuluhang misyon. Hindi dapat mabahiran ng katiwalian ang naturang grupo dahil lamang sa kabugukan ng isang pulis.

Gayunman, walang dapat paligtasin si Dela Rosa sa paglilinis sa hanay ng PNP sapagkat hindi maitatatwa na ang nasabing organisasyon ay pinamumugaran ng mga bugok na itlog, wika nga.