Ni: Francis T. Wakefield
Sinabi ni Armed Forces of the Philippines-Public Affairs Office (AFP-PAO) chief Colonel Edgard Arevalo kahapon na bineberipika pa nila ang impormasyon ng Turkish Ambassador na ang grupong inakusahan ng Turkey bilang mga terorista at nagpasimula ng nabigong coup sa kanilang bansa ay nagkaroon na ng sangay sa Pilipinas.
Sa isang text message na ipinadala sa Defense reporters, sinabi ni Arevalo na bineberipika pa nila ang sinabi ni Turkish Ambassador Esra Cankour na ang Fetullah Gulen Movement ay mayroong mga kaanib sa 50 bansa, kabilang ang Pilipinas.
Sinabi ni Cankour na aktibo rin ang grupo sa bansa sa pamamagitan ng isang eskuwelahan sa Zamboanga, na nagbukas noong 1997, at dalawa pang paaralan sa Manila.
“We have to validate that information before we can comment on it,” sabi ni Arevalo.
Samantala, sinabi naman ni AFP spokesman Brig. Gen. Restituto Padilla na kinakailangan pa niyang siguruhin ang impormasyon.
“Hindi ko pa alam ito,” sabi ni Padilla.
Sa interbyu sa ANC, sinabi ni Cankour na ang grupo ay mayroon ding mga foundation na kumikilos sa sektor ng kultura.
“This is their facade, thinking them as civic education institutions and innocent charity organizations. That will be a huge mischaracterization, that is wrong,” sabi ni Cankour. “They are the facade. They talk about inter-faith dialogue, but they are concealing themselves.”