LOS ANGELES (AP) — Tinanghal si Russell Westbrook na ‘best male athlete’ ng ESPYS, habang si Olympic gymnast Simone Biles ang ‘best female athlete’ nitong Miyerkules (Huwebes sa Manila).

Tumayong host ng programa si NFL quarterback star Peyton Manning.

Tinanghal na MVP ng NBA 2017 season si Westbook matapos manguna sa scoring at magtala ng marka na pinakamaraming triple-doubles sa isang season (42).

Ginapi ng Oklahoma City Thunder star sa parangal sina Kris Bryant ng Chicago Cubs, Sidney Crosby ng Pittsburgh Penguins at Olympic swimmer Michael Phelps.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

“It’s been an unbelievable journey for me,” sambit ni Westbrook.

Pinakamatagumpay na US Olympic gymnast si Biles sa 2016 Rio de Janeiro Games, tampok ang limang medalya – apat na ginto at isang bronze – para gapiin sina Olympic swimmer Katie Ledecky, WNBA star Candace Parker at tennis star Serena Williams.

“Ever since Rio it has been an amazing year,”sambit ni Biles. “I want to thank you all for believing in me.”

Isa si Biles sa nakapagwagi ng dalawang parangal sa ESPYS nang tanghalin din siyang best female Olympic athlete.

Nakuha naman ni Phelps, gumawa ng record-setting performance sa Olympic, ang best male Olympic athlete.

Umani naman ng magarbong palakpakan si dating first lady Michelle Obama, nagbigay parangal sa namayapang si Eunice Kennedy Shriver para sa Arthur Ashe Courage Award.

“Once a great first lady, still a great first lady,” pahayag ni Tim Shriver, patungkol kay Mrs. Obama.

Nakamit naman ng NBA champion Golden State Warriors ang best team honor.

“It was an unbelievable year. A lot of noise and hype around it from the beginning of the year, but we tried to keep our head down and focus on the process. Hope to represent exactly what a team means,” sambit ni Warriors guard Stephen Curry.