Ni: Marivic Awitan

San Sebastian, host sa NCAA Season 93; Bedans asam ang B2B.

BALIK eskwela na at simula na rin ng collegiate basketball.

Muli, asahan ang hitik na aksiyon at de kalidad na basketball sa paglarga ng Season 93 ng premyadong National Collegiate Athletic Association (NCAA) sa Sabado (Hulyo 8) sa MOA Arena sa Pasay City.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Nakatuon ang pansin sa San Beda College na magtatangkang maitala ang back-to-back championship, sa pangangasiwan nang nagbabalik tahanan na si coach Boyet Fernandez.

“It’s a huge task, but we’re ready.,” sambit ni Fernandez.

“Saka, gunning for a record kami kung sakali, dalawang back-to-back under my watch, Hindi ba?” pabirong tugon ng dating PBA player.

Inakay ni Fernandez ang Red Lions sa back-to-back championship noong 2013-14 season bago umakyat sa PBA para gabayan ang NLEX.

Nakabalik sa Mendiola-based cagers ang titulo sa nakalipas na season sa pangangasiwa ni Jamike Jarin, ngunit nagdesisyon ang AAP bilang coach ng National University Bulldogs.

“Hindi ko lang maipapangako na maka-sweep uli kami sakaling makarating uli sa Finals,” aniya, patungkol sa matikas na 4-0 panalo ng San Beda laban sa Arellano University sa nakalipas na season.

Sisimulan ng San Beda College ang title defense sa pagsagupa sa season host San Sebastian College sa pambungad na laban ganap na 2:00 ng hapon.

Susundan ito ng salpukan ng Mapua at ng last season runner -up Arellano ganap na 4:00 ng hapon.

Bago ang nasabing laban, isang makulay na palabas ang inihanda ng San Sebastian na may temang “NCAA Strong @ Season 93 na magsisimula sa 12:00 ng tanghali.

Muling pinili ng mga katunggaling coaches bilang “team to beat “ ang Red Lions, habang kasama naman sa mga tinatawag na top contenders ang bagong bihis na Lyceum of the Philippines at San Sebastian College.

Matikas naman ang katayun sa Final Four ng Emilio Aguinaldo College, Jose Rizal University, Arellano University at University of Perpetual Help.

Ngunit, hindi naman papahuli ang iba pang koponang kalahok na College of St. Benilde at Letran College.

Samantala, tuloy na ang pagsasagawa ng NCAA on Tour ngayong taon kung saan magsasagawa ng mga regular games sa mga home court ng mga member schools.

Ayon kay Management Committee chairman Fr. Glynne Ortega ng San Sebastian , layunin ng programa na paigtingin ang school spirit at ilapit pang lalo ang mga laro sa mga fans.