ni Rommel Tabbad at Jun Fabon
Tuluyan nang naging bagyo ang low pressure area (LPA) na unang namataan sa bahagi ng Visayas region, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Administration (PAGASA).
Sinabi ni Samuel Duran, weather specialist ng PAGASA, na huling namataan ang sentro ng bagyong ‘Emong’ sa layong 765 kilometro sa silangan ng Tuguegarao City sa Cagayan.
Taglay ng bagyo ang lakas ng hangin na 45 kilometro kada oras malapit sa gitna at bugsong 60 kilometro kada oras.
Aniya, kumikilos ang Emong pa-hilagang kanluran sa bilis na 30 kilometro bawat oras. Sakaling mapanatili ang direksiyon nito, sinabi ng PAGASA na posibleng nasa 590 kilometro ng hilaga-hilagang silangan ng Basco, Batanes na ang bagyo ngayong Lunes ng umaga.
Gayunman, wala pang itinataas na public storm warning signal ang PAGASA habang isinusulat ang balitang ito kahapon.