Ni Argyll Cyrus B. Geducos

Tinanong ni Pangulong Duterte ang mga rebeldeng komunista kung maaari silang tumigil muna sa pakikipaglaban sa mga sundalo ng pamahalaan hangga’t hindi pa natatapos ang krisis sa Marawi City.

Sa kanyang talumpati sa 50th founding anniversary ng Davao del Norte sa Tagum City kahapon, sinabi ni Duterte na gusto niyang makipag-usap sa mga komunista dahil nauunawaan niya ang ipinaglalaban ng mga ito.

“I can understand you that is why I have not declared any overt action against you. I want to talk to you because I know na ang inyo was just a rising nationalism,” sabi ni Duterte.

National

PBBM admin, nagsisilbing ‘totoong kalamidad’ sa ‘Pinas – Maza

Pinansin din niya ang naunang deklarasyon ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) ng pagpapaigting ng operasyon nito laban sa puwersa ng gobyerno na binawi rin nito kalaunan.

“Can you just stop fighting for a while? Kasi ang sabi ng mga leader n’yo sa Europe there will be a ceasefire,” sabi niya. “Una, sabi ng leader n’yo, you are to engage government forces ‘tapos, they realized now, at this very late day, na wala kayong makukuha d’yan sa terorista.”

Nagbabala rin ang Malacañang sa publiko laban sa umano’y balak ng NPA na pag-atake sa people-oriented programs at infrastructure projects dahil ang mga ito ay may kinalaman sa pangingikil.

Ayon pa sa Pangulo, papayag siyang makipag-usap sa mga komunista pero nagbabala na huwag maging doble-kara ang mga ito.

Sinabi rin niya na hindi siya magiging malambot sa kanila kapag pinaputukan nila ang mga sundalo ng pamahalaan na nagpapatrulya saanman sa Mindanao.

Nagbabala rin si Duterte sa mga komunista na huwag makipagsanib-puwersa sa mga terorista.