Ni: Fr. Anton Pascual

KAPANALIG, napakahalaga ng bigas sa ating bayan. Hindi lamang ito food staple ng Pilipinas, nagkakaloob din ito ng trabaho sa mga kababayan nating magsasaka. Ito rin ay negosyo o kabuhayan ng marami nating kababayan.

Ayon sa Food Agriculture Organization (FAO), kinakailangan nating mas ma-appreciate ang rice industry. Isa itong sangkap ng food security. Ayon sa isang pag-aaral na ito, malaki ang epekto ng polisiya sa kaunlaran ng industriya ng bigas, halimbawa, kung mas nais ng isang pamahalaan na mag-import na lamang ng mas murang bigas sa ibang bansa, maaaring mapabayaan ang local rice industry. Dito sa atin, kapag magsasaka, kaagad, iniisip natin agad ay maralita na. Mas lumiliit na kasi ang kita nila dahil sa maraming salik; gaya ng climate change, lupa, kawalan ng gamit at teknolohiya, kasama na rin ang heavy importation ng bigas.

Hindi kailangan maging mahirap lagi ang magsasaka. Ang PhilRice Institute ay may proyekto na naglalayon na magkaroon ng rural transformation. Ito ay ang “Gusto Namin Milyonaryo Kayo.” Ayon sa PhilRice, base sa ating poverty incidence, 3 sa 4 na maralitang Pilipino ay nakatira sa mga rural, farming areas. Ang karaniwang sakahan ay kumikita ng P50,000 kada taon mula sa bigas, at ito ay malayo sa ating poverty threshold. Sa pamamagitan ng “Gusto Namin Milyonaryo Kayo,” na may community-based agribusiness approach, nais ng PhilRice na tulungan ang mga magsasaka na mabago ang kanilang buhay. ‘Pag nagawa nila ito, maaaring kumita ng isang milyong piso ang kada hektarya ng lupa, kada taon.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Kaya lamang, ang mga proyektong gaya nito ay kulang sa suporta. Sana dito ibuhos ng ating pamahalaan ang malaking bulko ng ating mga resources, hindi sa mga kampanya na naglulunsad ng kamatayan o alitan. Kung matutulungan natin makaahon ang ating rural poor, unti-unti ring lalaganap ang kapayapaan. Kahirapan, kapanalig, ang ating pangunahing problema.

Ang Rural Transformation Movement (RTM) na ito ay may pruweba na ng tagumpay. Noong 2014, aktibo ang proyektong ito.

May mga kababayan na tayo na nakapag-diversify na ng mga pananim at kumita na. Sa Don Salvador Benedicto, Negros Occidental, ang mga magsasaka ay nakabili ng tricycle, rotavator, motorsiklo at nakapagbayad na ng mga utang. Ang kanilang pananim ay hindi lamang naging pangkain, kapanalig. Ginawa na rin nila ito na herbal tea at sabon.

Kailangan nating suportahan ang ganitong mga proyekto . Isipin niyo na lang, kung kasing-laki ng kampanya laban sa droga ang kampanya para sa rural transformation, mas maraming mga Pilipino ang masaya, buhay at malusog. Kailangan, kapanalig, pinipili din natin ang ating mga prayoridad. Hindi lahat ng popular o sikat na opinyon o gawain ay tama.

Ang gawain ng rural transformation, kapanalig, hindi sikat o “in.” Pero ito ay tama, dahil ito ay pagmamahal hindi lamang sa maralita, kundi sa ating bansa. Kapanalig, ito naman ang pasikatin natin o gawing viral. Gawin nating inspirasyon ang mga kataga mula sa Centesimus Annus: “Love for others, and especially for the poor, is made concrete by promoting justice.”