Nina FRANCIS T. WAKEFIELD at AARON B. RECUENCO

Nagpahayag kahapon ng pagkadismaya si Defense Secretary Delfin Lorenzana sa naglabasang ulat tungkol sa matinding takot umano ng ilang kababaihan ng Marawi na gahasain sila ng mga sundalo.

Sa isang pahayag, sinabi ni Lorenzana na habang patuloy na nagdurusa ang bansa sa kaguluhang dulot ng rebelyon ng Maute Group sa Marawi, kasabay ng pag-atake ng iba pang mga grupong rebelde sa iba pang bahagi ng Mindanao, ilang grupo ang marami aniyang oras sa mga bagay na hindi nakatutulong sa sitwasyon.

“I question the motives and credibility of certain leftist groups and inviduals in coming up with a dubious report that Marawi women residents allegedly fear that they will be raped by soldiers in the ongoing military operations in Marawi City,” sabi ni Lorenzana.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Ayon sa kalihim, sumailalim ang mga sundalo sa serye ng gender sensitivity training alinsunod sa Gender and Development (GAD) program ng kagawaran.

“Lilinawin ko lang po: Ang ating kasundaluhan at kapulisan ay nasa Marawi upang labanan ang mga teroristang gustong gawing pugad ng kasamaan ang siyudad,at upang pigilan na lumawak pa ang kaguluhan. Ito ang kanilang sinumpaang tungkulin,” sabi ni Lorenzana.

MISYONG BUWIS-BUHAY

Dagdag pa ng kalihim, sa kasalukuyan ay aabot sa 70 sundalo at pulis ang nagbuwis ng buhay upang ipagtanggol ang Marawi at mamamayan nito mula sa mga terorista, at maraming iba pa ang nasugatan at ginagamot pa ngayon.

Biyernes nang ibunyag ni Gabriela Women’s Party (GWP) Rep. Arlene Brosas ang tungkol sa mga kuwento ng pagbabanta umano ng mga tropa ng gobyerno sa kababaihan ng Marawi na gagahasain ang mga ito kung tatangging lumikas mula sa siyudad.

“I have personally heard the stories of women who sought refuge in evacuation centers in Lanao del Norte and Lanao del Sur after government troops threatened to rape them, as encouraged by no less than President Duterte in his public remarks,” sinabi ni Brosas sa isang forum sa Quezon City, tinukoy ang kontrobersiyal na rape joke ng Presidente ilang oras makaraang ideklara nito ang batas militar sa Mindanao.

“These are alarming accounts which prove that the martial law and President’s rape remarks have actually emboldened the military to dangle rape threats against women in Marawi City. We fear that there are actual victims of rape and we encourage them to speak out and seek justice,” sabi pa ni Brosas.

Hunyo 14-15 nang binisita ni Brosas ang mga evacuation center bilang kasapi ng National Interfaith Humanitarian Mission. Sinabi niyang kasama ang ilan pang human rights advocates ay pinagbawalan umano sila ng militar na pumasok sa Marawi.

NAGBUBULAG-BULAGAN?

Sinabi naman ni Lorenzana na ibinulgar lang ng mga grupong nagpakalat ng nasabing mga balita ang motibo ng mga ito—ang mabigo ang gobyerno sa laban nito kontra terorismo.

“Hindi po ba ang mga grupong ito ang mga grupong patuloy na nagbubulag-bulagan sa mga krimeng ginagawa ng mga kabaro nila sa CPP-NPA? The same groups who conveniently forget that their communist-terrorists colleagues continue to loot, murder, rape, and destroy private and public properties in the countryside,” ani Lorenzana.

Kaugnay nito, hinamon ng kalihim ang mga organisasyong pinagmulan ng kontrobersiya na magprisinta ng mga ebidensiya at pormal na maghain ng reklamo sa halip na gumawa ng kontrobersiya sa mga akusasyon ng mga ito.

“Alam ng taumbayan na makapapagkatiwalaan nila ang ating Sandatahang Lakas, ang kaisa-isang Sandatahang Lakas ng Pilipinas, at nakikita naman ito sa mga survey,” ani Lorenzana. “Kung labag sa ideyolohiya ng mga grupong ito ang sumuporta sa mga sundalo, sana ay makonsensiya naman sila para sa ating mga kapatid na Maranao. Mas mainam siguro na buksan nila ang kanilang isip at puso sa totoong nangyayari at huwag magpakawala ng mga tsismis at fake news.”

‘DI KUNSINTIDOR

Sinegundahan naman ng Philippine National Police (PNP) ang depensa ni Lorenzana at hinamon ang mga kritiko na sampahan ng reklamo ang mga pulis na inaakusahang nagbanta ng panghahalay sa kababaihang evacuees.

“They should file complaint, present evidence and prove the allegation,” sabi ni PNP spokesman Chief Supt. Dionardo Carlos makaraang mariing itanggi ang nasabing akusasyon.

“The PNP will never tolerate wrongdoings by its members,” diin pa ni Carlos. “And we will protect our personnel when they are doing their job.”