Ni: Jun Fabon

Timbog ang umano’y kilabot na gunrunner, walong drug suspect at dalawang wanted sa walang tigil na kampanya ng Quezon City Police District (QCPD) laban sa kriminalidad at ilegal na droga, iniulat kahapon.

Sa report ni QCPD Director Police Chief Supt. Guillermo Lorenzo T. Eleazar, inaresto ng mga operatiba ng District Special Operation Unit (DSOU), sa pamumuno ni Police Supt. Rogarth Campo, si Juddel Deloviar, 38, sa Barangay Holy Spirit, bandang 10:55 ng umaga.

Bukod sa 9mm pistol, mga bala, isang shotgun at tatlong granada ay nasamsam din kay Juddel ang mga drug paraphernalia.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Sa ulat naman ni Police Supt. Igmedio Bernaldez, ng Police Station (PS-2), inaresto sa buy-bust operation sa Abra St., Bgy. Ramon Magsaysay, Bago Bantay sina Ryan Gabuat, 23, ng Bgy. Ramon Magsaysay; Vincent Andrew Velasquez, 36, ng Bgy. Bagong Pag-asa; at Rommel Corines, 19, ng Bgy. Project 6, dakong 2:30 ng madaling araw.

Nadakma naman ng Talipapa Police Station (PS-3) operatives sa Sitio Militar, Bgy. Bahay Toro ang mga drug suspect na sina Joshua Calong, 20; Jeth Dela Cruz, 18; Michael Manzon, 27, pawang ng Bgy. Bahay Toro; at si Edgar Quitorio, 46, ng Bgy. Sangandaan, bandang 5:00 ng hapon.

Hindi naman nakawala sa mga tauhan ng Galas Police Station (PS-11) si John Cimene, 21, ng Bgy. Damayang Lagi, nang masamsaman ng pakete ng umano’y shabu, dakong 3:00 ng madaling araw.

Sinorpresa naman ng mga tauhan ng Batasan Police Station (PS-6), sa pamumuno ni Police Supt. Lito Patay, ang mga wanted na sina Bryan Angelo Pineda, 34, sa kanyang bahay sa No. 30 Alpha Road, Alpha Village, Bgy. Old Balara, at si Joseph Fernandez, 31, ng 32 Lakatan St., Bgy. Batasan Hills, bandang 9:30 ng umaga.

Kasalukuyang nakapiit ang mga suspek at nahaharap sa kanya-kanyang kaso.