Ni: Merlina Hernando-Malipot at Mary Ann Santiago

Nilinaw ng Department of Education (DepEd) kahapon na ang pag-aalok ng Korean language lessons – na karagdagan sa Special Program in Foreign Languages (SPFL) – ay “elective offering” lamang sa mga piling paaralan sa National Capital Region (NCR).

Umani ng magkahalong reaksiyon sa social media ang partnership ng DepEd at ng Republic of Korea na pormal na isinasama ang Korean language sa SPFL. Natuwa man ang ilan sa pagkakataong matuto ng wikang Korean sa mga pampublikong paaralan, binatikos ng maraming netizen ang DepEd na diumano’y nagpakain na sa sistema o popularidad ng mga Korean drama, actors at performers.

Reaksiyon ng Twitter user na si jerichoo (@SerrJerichoo): “I know nakakatuwa ang Kdrama pero di nakakatuwa ang pagsama ng Korean language sa curriculum.”

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

Binatikos din ng Alyansa ng mga Tagapagtanggol ng Wikang Filipino (TANGGOL WIKA) o Alliance of Defenders of Filipino ang DepEd – partikular na si Education Secretary Leonor Briones – sa nasabing partnership.

Sinabi naman ng TANGGOL WIKA, alyansa ng mga professor at tagasulong wikang Filipino, na dapat magpokus ang DepEd sa pagbabalik ng araling Kasaysayan ng Pilipinas (Philippine History) sa high school na pinalitan ng Asian Studies (Araling Asyano) sa Grade 7 at 8 upang makaangkop sa bagong K to 12 curriculum.

Noong Hunyo 21, nilagdaan ni Briones at ni Republic of Korea Ambassador to the Philippines Kim Jae Shin ang Memorandum of Agreement (MOA) sa Southeast Asian Ministers of Education Organization Regional Centre for Educational Innovation and Technology (SEAMEO INNOTECH) sa Diliman, Quezon City para isama ang Korean language sa SPFL.