Ni: Bert de Guzman

PARANG inutil at walang kontrol ang Communist Party of the Philippines-National Democratic Front Philippines (CPP-NDFP) sa mga tauhan ng New People’s Army (NPA) na nasa larangan at kabundukan sa pagsalakay sa mga police outpost at pagtambang sa mga kawal at pulis sa iba’t ibang lugar ng bansa.

Ang pinakahuling pag-atake ng NPA ay sa isang outpost ng pulisya sa Maasin, Iloilo noong Linggo matapos ang magkahiwalay na pahayag ng gobyerno at ng NDF na titigil muna sila sa operasyon (truce) sa Mindanao upang makapagtuon ang security forces para wakasan ang Marawi City siege ng teroristang Maute Group (MG). Ayon sa police, may 50 NPA na lulan sa isang truck ang sumalakay sa outpost at tumangay ng mga armas, communications equipment at isang isang patrol vehicle.

Dahil dito, hiniling ng mga senador sa Duterte administration na maghinay-hinay muna at ipagpaliban ang peace negotiations sa NDF. Tahasang sinabi ni Sen. Panfilo Lacson, chairman ng Senate committee on public order, na mukhang walang kontrol ang NDF sa NPA na umaatake sa tropa ng gobyerno kahit may umiiral na truce.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

“Ang dapat munang ikonsidera bago muling mag-usap ng kapayapaan ay ang katiyakan at patunay na ang NPA [ay] nasa ilalim pa ng kontrol at direksiyon ng CPP-NDF,” sabi ni Lacson. Dagdag pa ni Sen. Ping, dating hepe ng PNP at idolo ni Gen. Bato dela Rosa: “Evidently, as shown by recent events, they are not. Having said that, we ask this question— are we negotiating with the right party”? Para kay Sen. JV Ejercito, hindi dapat magtiwala si President Rodrigo Roa Duterte sa NDF sapagkat hindi pinahahalagahan ng NPA ang sinseridad ng Pangulo sa peace talks.

Naglunsad ang Pilipinas, Indonesia at Malaysia ng magkasanib na maritime patrols sa layuning labanan ang terorismo at transactional crimes. Ang trilateral maritime patrols ay inilunsad noong Lunes sa Tarakan Island, North Kalimantian, Indonesia. Sa report ng The Strait Times, naroroon sina Defense Sec. Delfin Lorenzana, Indonesian Defense Minister Ryamizard Ryacudu at Malaysian Defense chief Hishammuddin Hussein.

Sinusubaybayan ngayon ng military at police ang mga ospital at safe houses na maaaring pinagtataguan ng teroristang MG matapos na sila’y humalo sa mga sibilyan at bakwit at makapuslit sa Marawi City. Ilang terorista na ang nadakip ng awtoridad sa Zamboanga City, Cagayan de Oro City, Davao City at iba pang lugar. May 13 terorista ang natagpuang nasa ospital at nagpapagamot. Ang kapatid na babae ng Maute brothers na sina Omarkhayam at Abdullah ay nadakip ng mga pulis at sundalo sa Iloilo city lulan sa isang barko patungong Maynila.

Malakas pa sa kalabaw (o toro) si Mano Digong taliwas sa haka-haka ng mga kritiko at kaaway sa pulitika na siya ay nasa “coma” o isang comatose. Hindi siya nakadalo sa ika-119 na anibersaryo ng Araw ng Kalayaan noong Hunyo 12 at nawala ng may ilang araw sa publiko. Bilang patunay na “he is as strong as a bull”, dumalo siya sa isang okasyon sa Agusan del Norte at dumalaw sa mga sundalo sa Bangcasi headquarters ng Army roon noong Hunyo 17.

Sa harap ng mga kawal, ganito ang kanyang sinabi: “Mali ang spelling ng coma, dapat ay kama”. Nagbibiro si Pres. Rody na kilala sa pagiging babaero. Hindi siya comatose. Hindi raw siya na-coma, bagkus siya ay nasa kama.