HALLE, Germany (AP) — Nakabawi si Roger Federer sa nakagugulat na pagkasibak sa first-round ng Stuttgart Open sa nakalipas na linggo, sa impresibong 6-3, 6-1 panalo kay Yuichi Sugita ng Japan sa opening round ng Gerry Weber Open nitong Martes (Miyerkules sa Manila).
Nakopo ng Swiss star ang ika-1,100th career victory.
Naitala ni Federer, nasilat ni German veteran Tommy Haas sa kanyang pagbabalik-aksiyon mula sa dalawang buwang pahinga, ang walong aces at kumana ng lima sa 13 break points laban sa 66th-ranked na si Sugita.
Naglaro si Sugita, nabigo sa qualifying round, bilang kapalit ng umatras na si Lu Yen-hsun, nagtamo ng injury sa kanang siko.
Sunod na makakaharap ni Federer, eight-time champion dito, si Germany’s Mischa Zverev, nagwagi kay Slovakian qualifier Lukas Lacko 6-4, 6-4.
Umusad din si Kei Nishikori nang pabagsakin si Fernando Verdasco 6-7 (7), 6-3, 6-4. Makakaharap niya sa second round si Karen Khachanov ng Russia, namayani kay Gilles Simon ng France 6-2, 6-7 (2), 6-3.
Nanatili pa sa torneo sina fourth-seeded Alexander Zverev, nanaig kay Paolo Lorenzi, 6-3, 6-2; Bernard Tomic kontra Tom Haas, 6-4, 6-4; sixth-seeded Lucas Pouille of France kontra Germany’s Jan-Lennard Struff, 1-6, 6-3, 6-4;
naungusan ni seventh-seeded Roberto Bautista Agut si Carlos Berlocq, 6-0, 4-6, 6-2, habang nanaig si Robin Haase kay David Ferrer 3-6, 7-5, 6-3, at nagwagi si Florian Mayer kay Benoit Paire 6-0, 6-4.