NI: Bella Gamotea

Para sa kaligtasan ng mga pasahero, pansamantalang sinuspinde ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang operasyon ng Pasig River Ferry System kahapon.

Ayon sa MMDA, ang suspensiyon sa mga biyahe ng ferry boat ay dahil sa mga water hyacinth o water lily at basura na naglutangan sa Ilog Pasig kaya isinara ang lahat ng istasyon ng Pasig River Ferry System.

Paliwanag ng ahensiya, posibleng magdulot ito ng peligro o aksidente dahil madaling masira ang makina ng mga ferry boat kapag sumiksik ang mga water lily at basura sa elisi ng bangka.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Iginiit ng MMDA na prioridad nito ang kaligtasan ng mga pasahero at agad ding ibabalik sa normal ang operasyon ng Pasig River Ferry System kapag natanggal na ang mga sagabal na water lily at basura sa naturang ilog.

Dahil sa sunud-sunod na pag-ulan sa Metro Manila, naanod ang mga basura mula sa ibang daluyan at patungong Pasig River.