janry ubas copy copy

Bagong RP record; tatlong gintong medalya, nadale sa Thailand Open.

IPINAMALAS ng Philippine athletics team ang kahandaan sa 29th Southeast Asian Games sa nakopong tatlong gintong medalya sa Thailand Open Track and Field Championships nitong Huwebes sa Thammasat University Sports Complex sa Bangkok, Thailand.

Hataw ang men’s 4x400 meters relay team nina Edgardo Alejan Jr., Michael del Prado, Joan Caido at Archand Christian Bagsit sa tyempong tatlong minuto at 11.70 segundo para gapiin ang South Korea at Thailand sa pampaganang torneo bago ang SEA Games sa Kuala Lumpur, Malaysia sa Agosto 19-31.

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

Ito ang unang sabak ng apat bilang isang koponan sa event na huling napagwagihan ng Pinoy sa SEAG noong 1991.

Nauna rito, nangibabaw sina Mark Harris Diones ng Camarines Sur at Janry Ubas ng Cagayan de Oro sa kani-kanilang event para masiguro ang matikas na pagtatapos ng Team Philippines sa torneo.

Nalundag ni Diones ang ginto sa men’s triple jump event sa winning jump na 16.13-meter. Tangan ni Diones ang Philippine record na 16.70 meters. Nakamit ng isa pang Pinoy na si Ronne Malipay ang bronze medal sa layong 15.85 metro.

Sinundan ito ng matikas na panalo ni Ubas sa men’s long jump sa layong 7.78 metro . Hindi man napantayan ang kanyang personal best na 7.88 meters na nagawa niya sa Philippine Amateur Track and Field Association (PATAFA) weekly trial sa Philsports in Pasig City, malugod itong ipinagdiwang ng coaching staff.

Bago magtungo sa Thailand, nagawang mabura ni Ubas ang SEA Games record ni Henry Dagmil (7.87 meters ) na naitala sa 2007 SEAG sa Thailand.

Tapik sa balikat ito sa Patafa matapos masentro sa kontrobersyal na desisyon ang Pangulo nitong si Philip Ella ‘Popoy’ Juico nang alisin sa line-up para sa SEA Games si Rio Olympic veteran marathoner Mary Joy Tabal.

Naresolba naman ang isyu nang magpatawag ng pagpupulong ang Patafa Board, bukod sa personal na mensahe ni Tabal kung saan ipinangako niyang tutupdin ang mga regulasyon ng asosasyon.

Nakamit naman ni Aries Toledo ang bronze medal sa men’s decathlon sa bagong Philippine record na 7,127 puntos.

Nalagpsan niya ang dating marka na 7,069 puntos na nagawa ni Ramil Cid noong 2015 Philippine National Games.

Nakatakda pang sumabak ang PH athletics team sa apat na international tournament bago ang SEA Games na nakatakda sa Agosto 19-30 sa Kuala Lumpur, Malaysia.

“Todo na ang ensayo ang preparasyon ng mga atleta natin. Aside sa international tournament, nakaiskedyul ding magtraining sa Japan ang iba nating atleta. Yung mga Fil-Am athletes natin maganda rin ang markang nagagawa nila,” pahayag ni national coach Jojo Posadas.