TARGET ng tagapangasiwa ng kabayong Sepfourteen na makalapit sa minimithing ‘Triple Crown’ sa pagharurot ng ikalawang leg ng prestihiyosong torneo sa Linggo sa Saddle & Clubs Leisure Park sa Naic, Cavite.

Liyamado ang tatlong taong colt sa anim na kalahok sa tampok na karera na may distansiyang 1,800-metro at nakalaang champion prize na P1.8 milyon.

Nakopo ng Sepfourteen ang unang leg – 1,600 metrong hatawan – sa tyempong isang minuto at 49.2 segundo noong Mayo 21 sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.

Sa kasaysayan ng ‘Triple Crown’, ang Kid Molave ang huling kabayo na nakapagtala ng kampeonato noong 2014.

'Aapela raw!' John Amores 'di tanggap pagkawala ng professional license?

Makakalaban ng Sepfourteen ang kasama sa SC Stockfarm Inc. na Brilliance – ang tanging babaeng kabayo na kalahok – sa karera na may kabuuang premyo na P3 milyon.

“I think may pag-asa si Sepfourteen. Although it’s a quite competitive race, malaki ang chance na maulit niya ito,” pahayag ni Philracom Commissioner Bienvenido Niles Jr. sa kanyang pagbisita sa Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum nitong Martes sa Golden Phoenix Hotel.

“Sepfourteen is the favorite, but we’re not discounting the possibility of an upset,” aniya.

Inaasahang magbibigay ng hamon kay Sepfourteen – sinanay ni Tomasito Santos – ang Golden Kingdom, Hiway One, Metamorphosis, at Pangalusian Island.

Sumegunda ang Pangalusian Island at pangatlo ang Golden Kingdom sa unang leg ng ‘Triple Crown’.

Nagbigay din ng kanilang pananaw sa mga programa ng horseracing industry sina Philracom chairman Andrew Sanchez, executive director Dr. Andrew Rovie Buencamino, PRCI Racing Manager Antonio Alcasid Jr., facilities manager Shirley Balaong, at executive secretary Joanna Goli.

Ilalarga rin sa Linggo ang Philracom Hopeful Stakes na may distansiyang 1,800 metro. Maglalaban dito ang Biglang Buhos, Bossa Nova, Breaking News, Great Wall, Lemonada, Metamorphosis, Mount Pulag, at Smokin Saturday.

“We are pleased to hold these races at Santa Ana Park knowing that PRCI’s administration does its utmost to provide an exciting experience for fans and a safe venue for participants,” sambit ni Sanchez.