PARIS (AP) — Bunsod nang matagumpay na kampanya sa French Open – ika-10 sa kanyang career –umusad sa No.2 sa world ranking ng ATP si Spaniard Rafael Nadal nitong Lunes (Martes sa Manila).
Ito ang pinakamataas na ranking ni Nadal mula noong Oktubre 2014. Pinalitan niya sa puwesto si Novak Djokovic ng Serbia na nalaglag sa No.4, pinakamababa niyang narating sa loob ng mahigit pitong taon.
Nasibak si Djokovic sa quarterfinals sa Roland Garros, ang torneo na nagpakumpleto sa kanyang career Grand Slam sa nakalipas na taon. Sa apat na kampeonatong nakamit, pawang kabiguan ang natamo ng Serbian star.
Nanatili si Andy Murray sa No. 1 ranking matapos makaabot sa semifinal, habang nasa No.3 si Stan Wawrinka ng Switzerland, ginapi ni Nadal sa Finals, 6-2, 6-3, 6-1, nitong Linggo (Lunes sa Manila).
Hindi rin naalis sa No.5 si Roger Federer sa kabila ng kabiguang makalahok sa French Open sa ikalawang sunod na taon.
Ang tagumpay ni Nadal sa Paris ang ika-10 kampeonato sa pamosong clay-court at natuldukan ang tatlong taong pagkauhaw sa Grand Slam title. Tangan niya ang 15 major title para pantayan ang nagretiro nang si pete Sampras sa ikalawang puwesto sa all-time list sa likod nang nangungunang si Federer na may 18 titulo.
“I am playing well. I am in a good position. I just won the most important event of the year for me, so that’s the only thing that matters today, no?” pahayag ni Nadal, bilang tugon sa katanungan kung asam niyang maging No.1 ngayong taon. “Winning these kind of titles, then you have chances to become any number (in) the ranking.”
Sa women’s class, tumalon sa No.12 mula sa No.47 ang first-time Grand Slam winner na si Jelena Ostapenko ng Latvia.
Umusad din sa No.2 mula sa No.4 si French Open runner-up Simona Halep.
Nanatili naman sa No.1 si Angelique Kerber kahit nabigo sa unang round sa Paris. Nasa No.4 ang dating No.1 na si Serena Williams.