Warriors, asam ang NBA title sa Oracle Arena.

OAKLAND, California (AP) — Kung pagbabasehan ang naitalang pitong technical foul, isang flagrant foul, ‘trash talking’ sa pagitan nina LeBron James at Kevin Durant, patunay na handa ang magkabilang panig para sa mas maaksiyon at sakitang serye sa NBA Finals.

Inamin ni Cleveland coach Tyronn Lue na naibigan niya ang ratsadahan sa Game 4 at inaasahan niyang mapapantayan hindi man malagpasan ng Cavaliers ang naturang ngitngit para mapalawig pa ang laban sa Golden State Warriors.

Host muli ang Warriors sa Game 5 ng best-of-seven Finals ngayong umaga (Lunes ng gabi sa US) sa Oracle Arena. Tulad sa nakalipas na season, nasa parehong sitwasyon ang serye at kung nakaukit sa tadhana, kasaysayan ang naghihintay sa Cavs.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Wala pang koponan sa NBA na nakabangon mula sa 0-3 paghahabol para maging kampeon. Ngunit, nasa likod ng Cavs ang kasaysayan nang magawa nilang magkampeon mula sa 1-3 paghahabol sa nakalipas na season.

“I liked it,” pahayag ni Lue nitong Linggo (Lunes sa Manila). “I thought the first two games we were being too nice.

The first three games, helping guys up off the floor, smiling, talking to guys and — yeah, I didn’t like that. So I think Game 4, talking trash, being physical, whatever you got to do to try to get that edge to win, you got to do it.”

Matapos ang dalawang blowout ng Golden State, naging madamdamin ang resulta ng Game 3, ngunit mas maaksiyon at mapaghamon ang kaganapan sa Game 4, higit at nakasandal na sa papaguhong pader ang Cavs.

Iginiit ni James na dinamdam at ginamit nilang motivation ang komentong binitiwan ni Golden State forward Draymond Green sa pagnanais nitong buhusan ng alak ang dugout ng Cavs.

Para pigilan ang tiyak na panghihiya, mas naging agresibo ang Cavs na nagresulta sa ilang ulit na balyahan sa pagitan nina Cavs Iman Shumpert at Zaza Pachulia.

“It was totally between the lines and with the respect of the rules,” sambit ni Pachulia.

“Nothing has crossed the line. It’s emotional. It’s possibly the last game of the season, so you definitely don’t want to give up anything easy. We know it’s not going to be an easy game for us. We’re going to earn it.”

Tiyak na hindi bibigay ang Cavs at hindi rin magbibigay ang Warriors sa Game 5. At sa kumpletong line-up ng malusog na Warriors, tiyak na mag-iiba ang diskarte ng Cavs.

“T-Lue has been saying that since Game 1, the team that has the starting lineup that comes out and sets the tone early and is more physical one through five will definitely have the advantage in the game,” pahayag ni Warriors guard Klay Thompson.