Nakatakdang magpakalat ng umaabot sa 1,660 pulis ang Manila Police District (MPD) para magbantay sa mga aktibidad na isasagawa para sa pagdiriwang sa lungsod ng ika-119 na anibersaryo ng Araw ng Kalayaan sa Lunes, Hunyo 12.

Kaugnay nito, ilang kalsada rin sa Maynila ang isasara sa Lunes, upang bigyang-daan ang pagdiriwang.

Ayon kay MPD Director P/Chief Supt. Joel Napoleon Coronel, nais nilang matiyak na magiging maayos at walang magaganap na kaguluhan sa gagawing mga aktibidad para sa Independence Day, kabilang na rito ang pagtataas ng bandila ng Pilipinas at wreath-laying activity sa monumento ni Jose Rizal sa Rizal Park, dakong 8:00 ng umaga, na inaasahang pangungunahan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Magkakaroon din ng libreng medical, dental at optical missions sa Binhi ng Kalayaan Garden sa Rizal Park; jobs fair sa Senior Citizens Garden sa Rizal Park; slow drill, band at drills exhibition, sa harapan ng Quirino Grandstand; ‘Vin d’ Honneur’ sa Malacañang; military at civic parade at cultural show sa Quirino Grandstand; at fireworks display sa Rizal Park.

National

DepEd, sinabing walang korapsyon sa pamumuno ni Sonny Angara

Samantala, batay naman sa inilabas na traffic advisory ng Manila District Traffic Enforcement Unit (MDTEU), nabatid na mula 6:00 ng umaga ay isasarado na ang north at southbound lane ng Roxas Boulevard mula sa Katigbak hanggang T.M. Kalaw Avenue, gayunin ang Katigbak Drive, Independence Road at South Drive.

Mula 1:00 ng hapon naman ay isasarado na rin ang north at southbound lane ng Ma. Orosa Street mula P. Burgos Avenue hanggang T.M. Kalaw Avenue.

Kaugnay nito, magpapatupad din ang MDTEU ng traffic rerouting upang maiwasan ang pagsisikip ng daloy ng trapiko.

Sa abiso ng MDTEU, pinayuhan ang lahat ng maliliit na sasakyan na nais dumaan sa southbound lane ng Roxas Boulevard na kumaliwa sa P. Burgos Street, kanan sa Ma. Orosa Street, kanan sa T.M. Kalaw Street; habag ang mga truck at trailer truck naman na dadaan din ng southbound lane ng Roxas Boulevard ay dapat na kumanan sa P. Burgos Street, kanan sa Finance Road hanggang sa lugar na kanilang patutunguhan.

Ang maliliit na sasakyan naman na dadaan sa northbound lane ng Roxas Boulevard ay dapat kumanan sa T.M. Kalaw Street, kaliwa sa Ma. Orosa Street, kaliwa sa P. Burgos Street; habang ang mga truck sa northbound lane ng Roxas Boulevard ay pinakakanan sa Pres. Quirino Avenue. (Mary Ann Santiago)