BAGO pumasok sa Dolphy Theater ang cast ng La Luna Sangre nitong Martes ng gabi para sa kanilang grand presscon ay dumaan muna kami sa dressing room nina Angel Locsin at Richard Gutierrez na inabutan naming nagkukuwentuhan.
Nang makita kami ng aktres ay agad niya kaming sinabihan ng, “’Te, si Richard, natatandaan mo?” Sabi namin, ‘Oo naman, unang ka-love team mo sa GMA.’ (Nakipagkamay kami sa aktor).
Excited si Angel sa partisipasyon nila ni John Lloyd Cruz sa La Luna Sangre as Lia at Matteo na magulang ni Maila (Kathryn Bernardo), ang bagong itinakda ng kanilang angkan.
“Mahal na mahal ko kasi ‘tong project kasi, di ba, Lobo, naging Imortal. So talagang susuporta ako kina Daniel (Padilla) at Kathryn,” say ni Angel.
At dahil papasok na sila sa Dolphy Theater para sa media launch, pabulong naming tinanong si Angel kung ano na ang real score nila ni Neil Arce na madalas mai-post ng netizens na madalas niyang kasamang lumabas ngayon.
“Sa totoo lang, ate, dating stage pa lang kami, as in,” sagot ng dalaga.
Biniro namin ng, ‘Dating pa lang talaga? Parang kayo na?’
“Hindi pa, dating pa talaga. Siyempre, kailangan pag-aralan, pag-isipan, alam mo na, mahirap na,” katwiran ni Angel.
At nagpaalam na kami dahil sinenyasan na silang papasok na sa venue.
Sa Q and A ng La Luna Sangre presscon, tinanong si Angel kung may training din siya noon sa Lobo na tulad ng ginagawa ni Kathryn.
“Wala po kasi kaming training noon, pero ‘yung mga baril-baril tulad nu’ng kina Papa P (Piolo Pascual) iningatan po nila talaga ako nang bonggang-bongga,” nakangiting sagot ng dalaga.
Pero ibinuking ni Direk Cathy Garcia-Molina na hindi raw nagpapagamit ng dobol sa mga stunt scene si Angel.
“Naku, si Angel po, palung-palo nga ito. Di po ba alam naman nating lahat na mayroon siyang deperensiya sa likod na inayos, di ba, so inaalagaan na nating huwag nang bumalik. So, ako naman (panay ang bilin) na ‘wag na po sanang gawin ‘yan kaso katigas ng ulo, ginagawa pa rin. Pinapadobolan ko na, ayaw. Sabi niya, ‘Gagawin ko ‘yan, Direk’. Sabi ko, ‘Wag na, dobol na lang, baka mawala kami ng Angel Locsin’, ayaw niya po talaga, siya ang gumagawa.
“Alam n’yo naman po si Angel Locsin, if she could do it, she really will. So ‘yung mga action scenes po niya, siya po ang gumagawa,” kuwento ng lady director.
Ang katwiran ni Angel kung bakit siya mismo ang gumagawa at ayaw niyang magpadobol, “Kung direktor ko nga po, ginagawa niya muna bago niya pagawa sa artista niya, bakit naman hindi ko gagawin ang trabaho ko?”
Propesyunal talaga si Angel, kaya nga gustung-gusto siyang katrabaho ng lahat dahil hangga’t kaya niyang gawin ay gagawin niya at higit sa lahat, walang karte-arte sa katawan. (REGGEE BONOAN)