Naging maayos at mapayapa ang pagbubukas ng School Year 2017-2018 kahapon sa buong bansa.
Ayon kay Department of Education (DepEd) Assistant Secretary Tonisito Umali, wala silang natanggap na anumang hindi kanais-nais na pangyayari na may kaugnayan sa pagbubukas ng klase.
Sinabi rin ni Umali na nasa kabuuang 27.7 milyong mag-aaral, mula sa pampubliko at pribadong paaralan sa bansa, ang kabuuan ng magbabalik-eskuwela at kabilang dito ang 2.8 milyong mag-aaral sa Senior High School (SHS), 7.6 milyon sa Junior High School (JHS), 14.4 milyon sa elementarya, at dalawang milyon sa kinder.
Samantala, inamin ni Umali na may ilang suliranin na sumalubong sa pagbubukas ng klase, kabilang ang kakulangan ng silid-aralan, guro, libro, upuan, at iba pa.
Gayunman, tiniyak ng opisyal na ginagawa nila ang lahat upang maresolba ang mga nabanggit na suliranin.
Ayon pa kay Umali, ipinagpaliban nila ng dalawang linggo ang class opening sa Marawi City at sa walong distrito ng Lanao del Sur dahil sa bakbakan. (Mary Ann Santiago)