Apat na katao, kabilang ang dalawang K9 handler, ang nasugatan makaraang pagbabarilin ng hindi nakilalang suspek sa Kidapawan City, North Cotabato, nitong Lunes ng gabi.
Batay sa isinagawang imbestigasyon ng Kidapawan City Police Office (KCPO), nangyari ang insidente dakong 6:58 ng gabi sa Mega Market sa Kidapawan.
Ayon kay Supt. Leo Alejo, hepe ng KCPO, kinilala ang dalawang sugatang K9 handler na sina Ryan Solatorio, 23; at Ryan Simpao, 28 anyos. Sugatan din sina Nasrola Dolonan Guinaid, tricycle driver; at Loiza Fernandez, 17, na tinamaan ng ligaw na bala.
Sa paunang imbestigasyon ng pulisya, nabatid na nakaupo lamang ang dalawang K9 handler sa loob ng palengke ng pagbabarilin sila ng dalawang hindi nakilalang suspek, na armado ng .45 caliber pistol.
Mabilis namang tumakas ang mga suspek sakay sa motorsiklo.
Inaalam pa ng awtoridad ang motibo sa pamamaril. (Fer Taboy)