Tiniyak ng Malacañang kahapon na gagawa ng paraan ang gobyerno upang mapanumbalik ang pamumuhay ng mga taong nadamay sa pag-atake sa Marawi City, at umabot na sa 390 pamilya ang sibilyang nailigtas ng militar sa siyudad nitong Linggo.

Sinabi ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Assistant Secretary Marie Banaag na pinag-aaralan na ng gobyerno at ng pamahalaang panglalawigan kung paano maibibigay ang tulong sa mga residente na nadamay sa labanan sa Marawi City.

Ayon kay Banaag, makikipagtulungan ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa local government units (LGUs) at uunahin muna ang municipal level. Pero kung hindi pa ito sasapat, sinabi niya na gagamitin ang calamity fund ng LGU.

“Pero kung hindi kakayanin (ng calamity fund), the provincial government and the national government will look into it kung papaano," sabi niya kahapong umaga sa unang episode ng Mindanao Hour.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Ang Mindanao Hour ay programang isinasahimpapawid tatlong beses sa isang linggo sa PTV4, Radyo ng Bayan, at nasa Presidential Communications Facebook page, upang maipaabot sa publiko ang mga nagaganap sa labanan sa Mindanao.

Nang tanungin kung garantiya ito na makaaasa ng tulong mula sa gobyerno ang mga sibilyang nadamay, ang sagot ni Banaag, “That, I suppose, manggagaling ‘yan sa ating gobyerno. Kasi nakita naman natin na hindi naman nila ginusto ang (nangyayari).”

Gayunman, tiniyak ni Banaag na bagamat hindi agad-agarang maitatayo ng gobyerno ang mga nasirang establisimiyento o nadamay sa paglalaban, hahanap ito ng pondo na makatutulong sa mamamayan upang makabawi sa pamumuhay.

Ayon kay Banaag, mayroon nang mekanismo ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at ang LGUs kung paano maihahatid ang tulong sa mga apektadong mamamayan.

Iniulat ng Malacañang na nitong May 28, 2017, ang kabuuang naitulong sa mga apektadong pamilya sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM), sa pamamagitan ng DSWD, ay umaabot na sa halagang P1,172,725.

Nagsilikas ang 12,509 pamilya o 59,665 katao sa Northern Mindanao at sa ARMM. Umaabot sa 1,018 pamilya o 4,278 katao ang nananatili pa rin sa 14 na evacuation center.

Iniulat din ng Malacañang na ang DSWD Field Office sa Northern Mindanao ay agarang nagtayo ng Disaster Operation Center sa Iligan City noong Mayo 23 upang mapalakas ang operasyon ng DSWD-ARMM.

Samantala, ipinatupad ng Department of Trade and Industry simula nitong Mayo 25 ang price freeze sa Regions 9, 10, 11, 12 at Caraga. Ang implementasyon ng price freeze ay magtatagal hanggang 60 araw.

Idineklara naman ng National Power Corporation Mindanao Generation (NPC MinGen) na normal na ang operasyon ng mga power plant sa Marawi City at sa Lanao area. (ARGYLL CYRUS B. GEDUCOS)