ILIGAN CITY – Tatangkain ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB)-Region 10 na makapasok sa Marawi City para saklolohan ang daan-daang residente at mga estudyante na naipit sa paglusob ng mga armadong grupo ng Maute at Abu Sayyaf Group.
Ayon sa ulat na nakarating sa LTFRB, umaabot sa 1,000 katao ang hindi makalabas sa kapitolyo ng Lanao del Sur at daan-daang iba pa sa Mindanao State University (MSU).
Humiling si LTFRB-10 Director Aminoden Guro ng anim na bus mula sa Rural Transit Mindanao, Inc. at apat mula sa Super 5 bus liner. Dumating na ang mga ito at naghihintay kung kailan tutulak.
Nitong Huwebes, hindi pinayagan ng mga awtoridad na pumasok sa Marawi ang sampung bus para walang mapahamak at sinabihan ang LTFRB na maghintay hanggang Sabado, kung sakaling tapos na ang clearing operation.
Ayon kay LTFRB Board Member Aileen Lizada, ang evacuation ay hindi ordinaryong operasyon at ang mga evacuee ay kinakailangang sumailalim sa proseso bago pahintulutang makasakay sa bus.
Sinabi ni Lizada na ang mga sasakay ay kinakailangang magdala ng identification card (ID). Ibubukod ang mga walang dalang ID at iisasangguni ang kanilang pagkakakilanlan sa mga opisyal ng barangay na nakasasakop sa kanila.
Ang mahigpit na pagkilala sa mga pasahero ay isasagawa upang maiwasan ang pagsali ng mga miyembro ng Maute na magkukunwaring evacuees.
Ang 10 bus ay babantayan ng mga sundalo at mga pulis sa pagpasok sa Marawi City.
AYUDA NG INT’L RED CROSS
Samantala, nakapasok na ang International Committee of the Red Cross (ICRC) sa Marawi City at nakapag-abot na ng tulong sa mga residente.
“Our team has finally entered Marawi City and delivered 1,000 water jugs to the displaced families at the provincial capitol, and transported at least 300 residents from Marawi to the evacuation center in Saguiaran. We were able to access Marawi as we are in touch with various stakeholders,” sabi ni Pascal Porchet, pinuno ng delegasyon ng ICRC-Philippines. (Camcer Ordoñez Imam at Charina Clarisse Echaluce)