KABUUANG 642 – kabilang ang 493 atleta – ang miyembro ng Philippine contingent na ipadadala sa 29th Southeast Asian Games sa Kuala Lumpur, Malaysia, ayon sa inisyal na listahan na inilabas ng Philippine Olympic Committee (POC).

Nakatakda ang biennial meet sa Agosto 19-30 sa Kuala Lumpur, Malaysia.

Inihayag ni Tom Carassco, pinuno ng SEA Games Task Force, ang delegasyon ay binubuo ng 493 atleta, kabilang ang 73 miyembro ng developmental pool at 149 official, coaches at staff.

Ayon kay Carrasco, pinuno rin ng triathlon association, na nasa 85 hanggang 90 porsiyento na ang komposisyon ng SeaGames line-up.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Hinihintay na lamang na mabuo ang final roster ng indoor hockey at ng men’s at women’s volleyball squads para ganap na makumpleto ang listahan .

Nauna nang hiniling ng host Kuala Lumpur ang pagsusumite ng final list ng mga atleta at mga opisyales ng mga bansang kalahok hanggang Hunyo 30.

Ayon pa kay Carassco, lalahok ang Pilipinas sa 37 events mula sa kabuuang 38 sports disciplines na nakahanay sa biennial meet.

Idinagdag nito na ang mga Filipino athletes ay sasabak sa 255 events mula sa kabuuang 405 featured events na idaraos sa 31 sports venues.

Hindi naman malinaw kung sasagutin lahat ng Philippine Sports Commission (PSC) ang gastusin ng buong delegasyon na mas malaki ang bilang kumpara sa isinabak sa huling tatlong edisyon ng SEA Games. (Marivic Awitan)