Nilooban ng Maute Group ang isang tindahan ng baril sa Marawi City at sinalakay ang isang himpilan ng pulisya, kung saan pinatay nila ang hepe roon.
Ayon sa mga source ng pulisya, bandang 8:00 ng umaga nang salakayin ng mga terorista ang tindahan ng baril at tinangay ang hindi natukoy na bilang ng mga baril at bala.
Makalipas ang tatlong oras, nakatanggap ng ulat ang pulisya na isa pang grupo ng Maute ang sumalakay sa himpilan ng Marawi City Police at binaril at napatay ang hepe nitong si Senior Insp. Edwin Placido.
Batay sa mga report, sinunog pa umano ng mga terorista ang ikalawang palapag ng himpilan, ngunit sinabi ni Chief Supt. Dionardo Carlos, tagapagsalita ng Philippine National Police (PNP), na kinukumpirma pa nila ito.
Gayunman, kinumpirma niyang ang himpilan ng Marawi City Police ay “under siege” nitong Miyerkules.
“But we have not yet confirmed if they took away firearms or totally laid siege on the police station,” ani Carlos.
Patuloy na tinatangka ng Maute na kubkubin ang ilang barangay sa Marawi habang tuluy-tuloy ang pagdating ng karagdagang puwersa ng militar at pulisya sa siyudad mula sa iba’t ibang panig ng bansa.
Ayon kay Carlos, dalawang opisyal na ng pulisya ang napatay simula nang sumiklab ang krisis, ang isa ay si Senior Insp. Freddie Solar na pinaslang nitong Martes.
Kaugnay nito, umakyat na sa mahigit 30 ang nasawi sa Marawi, kabilang na sina Placido at Solar, habang mahigit 30 iba pa ang nasugatan.
Ayon sa report ng Lanao del Sur Police Provincial Office (LSPPO), kabilang sa mga nasawi sa tatlong araw nang labanan ang 13 sa Maute, limang sundalo, dalawang pulis, tatlong non-police officer, at 11 sibilyan.
Nasa 120 sibilyan naman ang nailigtas sa mga establisimyentong nabawi sa Maute, kabilang ang Amai Pakpak Hospital.
Kasabay nito, pitong barangay pa sa Marawi ang iniulat kahapon na hawak ng Maute: ang Saber, Sarimanok, Mapandi, Amai Pakpak, Basak Malutlut, at Calokan. (AARON RECUENCO, FER TABOY at FRANCIS WAKEFIELD)