NAGBIRO si Winwyn Marquez na pangfantaserye na siya dahil pagkatapos ng Encantadia, nakasama uli siya sa cast ng Mulawin vs Ravena na nagsimula nang lumipad kagabi.
Maiksi man, nagmarka pa rin ang karakter ni Winwyn sa Encantadia at kampante siyang may impact din sa viewers ang role niya sa Mulawin vs Ravena.
Ginagampanan ni Winwyn si Ribay, kanang kamay at tagapag-alaga ni Rashana. Siya rin ang nakakaalam sa itinatagong lihim ni Gabriel (Dennis Trillo) tungkol sa tunay nitong anak.
“Overwhelmed ako dahil from Encantadia, narito naman ako sa Mulawin vs Ravena. Nagti-taping pa ako sa isa, sinabi na sa akin na kasama ako rito, kaya masaya ako. Pareho kong kinu-consider na big project ang dalawang fantaserye dahil sa laki ng scoop at big cast. Dito, makasama ko lang sa eksena si Dennis Trillo, solved na ako,” pahayag ni Winwyn.
Gaya sa ibang kasama sa tribo ng Ravena, may costume rin si Winwyn at may headdress. Mainit ang costume, pero magaan naman daw at kayang-kaya niyang dalhin.
Dahil kasali sa Mulawin vs Ravena, hindi matutuloy this year ang muli niyang pagsali sa beauty pageant. Wala siyang time mag-training dahil sa taping, kaya next year na lang siya sasali.
“Manalo’t matalo man ako, sasali pa rin ako. Hindi totoong pinipigilan ako ni Mark (Herras) at siya pa ang nag-i-encourage sa akin na muling sumali dahil alam niyang dream ko ang maging beauty queen. Wala akong pinipiling crown, kung ano ang mapanalunan ko, magiging happy ako,” pagtatapos ng dalaga nina Joey Marquez at Alma Moreno.
(NITZ MIRALLES)