ISULAN, Sultan Kudarat – Isang bomba ang pinasabog ng isang hindi nakilalang suspek sa palengke sa Isulan, Sultan Kudarat kahapon ng madaling araw.

Wala namang nasugatan o napinsala sa pagsabog ng improvised explosive device (IED), at naiwan ng suspek ang motorsiklo nito makaraang habulin ng isang lalaking residente sa lugar pasado 2:00 ng umaga kahapon.

Gayunman, nagkaroon pa ng bomb scare dakong 4:00 ng umaga sa bahagi naman ng national road sa Isulan, na kalaunan ay nagnegatibo naman.

Ayon sa testigong humabol sa suspek, nakita niya umano nang iwan ng suspek sa isang poste sa hindi kalayuan sa bahay ni Judge Renato Gleyo, ng Regional Trial Court (RTC)-Branch 19, ang isang bagay.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Sinabi ng saksi na maingat siyang lumapit sa suspek at ginulat ito, kaya biglang kumaripas ng takbo ang huli at nagkahabulan sila bagamat nakatakas pa rin ang suspek.

Kaagad namang nakaresponde ang awtoridad hanggang sa sumabog ang bomba at walang nadamay sa lugar.

Nasa pag-iingat ngayon ng Isulan Police ang Kawasaki Baja motorcycle na naiwan ng suspek. (Leo P. Diaz)