Sa selda ang bagsak ng isang lalaki dahil sa umano’y panloloob sa isang bahay sa Angono, Rizal, kahapon ng madaling araw.

Naghihimas ngayon ng rehas sa Angono Municipal Police Station si Jayson Reyes, nasa hustong gulang, service crew, ng Creekside Constellation Homes, Barangay San Isidro, matapos ireklamo ng pagnanakaw ni Froilan William Dimla, 56, ng Yakal Street, Dona Justa Subdivision, Bgy. San Roque, Angono.

Sa reklamo ni Dimla, dakong 2:00 ng madaling araw ay naalimpungatan siya nang makarinig ng kaluskos sa loob ng kanilang master’s bedroom.

Bumangon siya sa pagkakahiga at sinilip ang kuwarto hanggang sa nakita niya si Reyes na tila may hinahanap gamit ang flashlight ng kanyang cell phone.

National

Dahil sa bagyong Gener: 19 lugar sa Luzon, Signal No. 1 pa rin

Sinigawan umano ni Dimla ang suspek ngunit tumakbo ito at kanyang hinabol habang humihingi ng saklolo.

Hindi nagtagal ay nagising ang bayaw ni Dimla, si Alex Presto, na siyang tumulong sa kanya upang mahuli si Reyes.

Nabawi nila mula kay Reyes ang isang backpack na naglalaman ng puting B206 Star mobile cell phone ng suspek, isang itim at brown na backpack na may lamang laptop, na nagkakahalaga ng P30,000; isang tablet, na nagkakahalaga ng P10,000; isang bluetooth speaker, na nagkakahalaga ng P600; at headset na nagkakahalaga ng P300. (Mary Ann Santiago)