Ni Genalyn D. Kabiling
BEIJING – Isinulong ng special envoy ni Pangulong Duterte ang isang oil and gas exploration project sa pagitan ng Pilipinas, China at Vietnam sa pinag-aagawang South China Sea (West Philippine Sea) sa harap ng “promising” na posibilidad ng enerhiya sa lugar.
Sinabi ni Jose de Venecia Jr., ang special envoy for intercultural dialogue ng Pilipinas, na ang South China Sea ay maaaring gawing “zone of friendship, commerce and development” sa halip na pagmulan ng alitan ng mga umaangkin ng teritoryo roon.
“As members of the ASEAN family that today with China, we must find ways and means to jointly develop the areas’ hydrocarbons potential to help lessen our common dependence on distant petroleum sources in the Middle East,” sabi ng dating House Speaker sa Belt and Road Forum session on people-to-people connectivity kahapon.
Sinabi ni De Venecia na nadiskubre ng mga siyentista ang “promising” prospects para sa langis at enerhiya sa lugar, kasunod ng seismic survey na isinagawa ng tatlong bansa sa mga pinag-aagawan sa Spratlys.
Ang joint marine seismic survey ay isinagawa ng Pilipinas, China, at Vietnam noong panahon ng administrasyong Arroyo taong 2005. Pawang may inaangking teritoryo sa South China Sea ang tatlong bansa.
Sinabi ni De Venecia na kabilang siya sa mga tumulong upang maisakatuparan ang seismic survey para masuri ang lugar sa potensiyal na hydrocarbons exploration at development.
Iginiit niyang may malaking “potential for peace and for economic development” sa “heartland of the South China Sea.”
Aniya, kapag natuldukan na ang hindi pagkakasundo ay maaari nang magsulputan ang landscape at seascape ng maliliit na pantalan, paliparan, oil pipelines, at maliliit na lugar ng turismo at lugar ng pangisdaan sa mga pinag-aagawang lugar.
Ang mga inaangking teritoryo ay maaaring gawing “passageway for all global shipping” kapag ginawa na ang mga itong “zone of friendship, commerce, navigation and development,” giit pa ni De Venecia.
Ito ang iminungkahi ng dating Speaker bago ang pagsisimula ng unang bahagi ng bilateral talks ng Pilipinas at China kaugnay ng South China Sea.