SI Pangulong Rodrigo Duterte na mismo ang nagbunyag sa banta ng terorismo ukol sa paglaganap ng mga grupong nais sumapi o nagpapapansin sa Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) sa Katimugang Mindanao.

Sa ngayon, ang malinaw na signos sa radikal na uri ng Islam nababatay sa mga armadong grupo na nababasa sa ating pahayagan. And’yan ang Abu Sayyaf Group (ASG) at ang Maute Group. May Raha Soliman (RS) atbp. Ayon sa nakausap kong eksperto, pati mga propesor na Muslim, ang ASG ay kumikita sa tinaguriang KFR o “Kidnap for Ransom”.

Namamayagpag ang ASG kasi nilalabag natin ang polisiya na bawal makipagnegosasyon at magbayad ng ransom sa mga terorista. Ang pondo ng ASG ay ipinambibili ng baril at bala para maghasik ng lagim. Ang Maute naman ay rumaraket sa droga. Ang RS ay dating mga komunista na “balik Islam”.

Hindi umano biro ang nagbabadyang peligro sa ating lipunan. Mahahati ang nakaumang na panganib sa dalawang hamon. Una ay ang armadong mukha ng terorismo, at ang pangalawa, na mas matindi, ay ang paniniwala o hibla ng Islam na itinuturo sa ibang bansa subalit dinadala pauwi ng mga overseas Filipino worker (OFW) na nag-Muslim; dayuhang nagkukunwaring turista, ngunit ibig baguhin ang larawan ng Islam sa Pilipinas (karamihan Sunni) at palitan ng Wahhabist Islam; and’yan pa ang pagdating ng sektang Shi’a Muslim. Idagdag pa ang mga kababayang lumaban sa Afghanistan at nakisawsaw sa gulo ng Gitnang Silangan at lihim na narito sa ating paligid.

Night Owl

Isang pribilehiyong maging bahagi ng 125 taong kasaysayan ng Manila Bulletin

Malaki ang ating suliranin sa mga Pinoy “iskolar” na galing Saudi Arabia na binhi sa Wahhabism o Takfiri Terrorism.

Naniniwala sila na kalaban ang ibang relihiyon. Paninindigan nila ang “al-tasfiyah wa al-tarbiyah”, na ang paglilinis, edukasyon, at pagbabalik sa orihinal na atas ng Koran lamang magaganap ang dalisay na uri ng Islam.

Doktrina nila na may mga tradisyon ang Muslim Sunni na dapat baguhin dahil “takfir” (labag sa paniniwala).

Ang mga Wahhabist ay kontra sa mga Kanluraning pamamaraan sa lipunan. Nais nilang magtatag ng sariling bansa at pamahalaan na purong Islam. Patuloy ang kanilang “recruitment” sa harap ng ating ilong, halimbawa sa unibersidad, mga student leader at sa ilang Maddrassahs (paaralan na nagtuturo ng Islam) na ‘di natututukan ng ating gobyerno. Pati mga kulungan ay pinapatulan na rin nila! Ito ang nakakubling patibong sa hinaharap.